Wala talaga kayong kabusugan!

LUBAK-LUBAK AT LIKU-LIKO na ang landas na dinaraanan ng birthday boy na si Pangulong Noynoy.

Hindi na isinama ni Noynoy sa kanyang mga urgent bills ang Responsible Parenthood Bill na dating Reproductive Health Bill.

Maging ang Freedom of Information Bill ay inilagay na rin sa ilalim ng carpet ng Palasyo para hindi na ma-certify bilang urgent bills.

Ang ibig sabihin nito, tumiklop na si Noynoy sa CBCP kaya inilagay na sa tukador ang bill hanggang amagin ang panukalang kokontrol sana sa bundat na populasyon ng bansa.

Sa pagkakawalis sa FOI, hudyat na ito ng deklarasyon ng all-out war ni Noynoy laban sa media na matagal nang sumisigaw para mapagtibay ang batas na ito.

Attention National Press Club, ihanda na ang mga kanyon at bala.

Giyera na ito!

MAY ISA PA palang inilabas sa bakod ng Palasyo. Hindi na rin isinama ang Whistle Blower Bill na naglalayong bigyang proteksiyon ang mga testigo.

Hindi naglabas ng paliwanag ang tropang Noynoy pero kahit hindi nila sabihin, alam natin ang dahilan ng kanilang mga naging aksiyon.

Una, ang pagtalikod sa Parenthood Bill ay pagsuko na sa CBCP na anumang oras ay handang manawagan ng pag-aaklas laban sa pamahalaan.

Ang pagrenda naman sa FOI at Whistle Blower Bills ay palantandaan din na parami na nang parami ang gustong magnakaw sa pamahalaang Aquino.

Alam nilang kapag napagtibay ang tatlong panukalang ito, sa ganito kaagang estado ng administrasyon ay magmimistulang lubid ang batas na unti-unting sasakal sa kanilang mga leeg.

Posibleng agresibong itulak nila ang pagpapatibay ng mga panukalang ito sa 2015 para sa susunod na administrasyon na ang dagok.

Panggugulang ang tawag d’yan!

Hindi pala, just invoking their right to self-incrimination tulad ng paboritong linya ni General Carlos Garcia.

SIMULA NA RIN ang digmaan sa Kalookan City.

Matapos ibunyag ni Vice Mayor Egay Erice ang pag-ipit ni Mayor Recom sa Real Property Tax shares ng mga barangay, inalisan na siya ng parking sa city hall.

May mga susunod pang expose si Egay kaya hindi ako magtataka kung alisan naman siya ng opisina sa mga darating na araw.

Garapalan ang katiwalian sa AFP.

Sa gitna ng imbestigasyon sa over pricing at payola system, hindi pa lumalabas ang karaniwang sweetheart deal sa pagbili sa bala at choppers.

Bago matapos ang Arroyo administrasyon, nakaumang ang deal sa pagbili ng mga bala at Polish choppers.

Kahit ayaw ng mga taga-Air Force, pinipilit ng mga heneral ang pagbili ng helicopters sa Poland.

Iyong mga mortar na supot nang subukan, binili pa rin ng AFP kahit ayaw ng Army.

Ang balita natin, isang supplier ang nagregalo ng 80 units ng SUV na Sta. Fe sa mga opisyal ng AFP kapalit ng kontrata.

Wala talaga kayong kabusugan.

Pulandit
Allan Encarnacion
allanpunglo@yahoo.com

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.