Wala Pang Kaso ng Human Rights Violation sa mga Pinoy sa Sabah – DSWD

WALA PANG naidokumentong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga Pilipino sa Sabah.

Sa gitna na rin ito ng mga balita ng pagiging brutal umano ng Malaysian forces sa mga Pinoy sa Sabah maging sa mga hindi konektado sa Sulu Royal Army.

Sinabi ni Sec. Dinky Soliman na patuloy ang kanilang paghahanap sa dalawang napaulat sa pahayagan na kaso ng human rights violation.

Hiniling na rin aniya ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Albert del Rosario na hanapin ang mga ito para maging batayan sa isang protesta.

Dahil dito, kasabay ng pagsalubong sa mga umu-uwing Pilipino mula Sabah ay tinatanong na agad nila ang mga ito ngunit tanging takot lamang aniya ang sinasambit ng mga ito.

Sa 432 na unang umuwi sa bansa noong Biyernes at Sabado, wala aniya sa mga ito ang nagreklamo ng marahas na karanasan. Ngunit ayon kay Soliman,”maaaring ayaw nilang ikuwento.”

Base sa rekord ng DSWD, aabot na sa 1,000 hanggang 1,100 Pinoy ang umuwi na sa bansa mula Sandakan, Lahad Datu at iba pang lugar sa Sabah. Karamihan sa mga ito ay walang dokumento.

Ayon pa rin kay Soliman, bagamat handa silang tumulong sa mga umuwing Pinoy, nakadepende pa rin aniya sa mga ito kung nais na maayudahan ng pamahalaan.

May ilan sa mga Pinoy ang ayaw nang magbigay ng pahayag dahil nais na lamang nitong umuwi sa mga kaanak habang ang ilan nama’y nais pang bumalik sa Sabah.

Pinakahuling dumating sa bansa ang 32 Pinoy mula Sandakan at nasa Jolo na ngayon.

Posible pa rin aniyang tumaas pa ang bilang mga Pilipino na umuwi sa bansa.

Inihayag din ng kalihim na naihatid na ang tulong sa mga tinukoy na kaanak ng mga kasapi ng Sultanate Royal Army na nagtungo sa Sabah.

Samantala, naging ma-tagumpay ang paghatid ng ayuda sa higit 100 kaanak ng mga mandirigma sa tulong na rin ng maybahay ni Raja Muda Agbimuddin Kiram na si Nurkisa Kiram.

Kabilang naman sa mga naipamahagi sa mga ito ang isang sakong bigas, mga de-lata, at cash na P3,000 bukod pa sa counselling.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.