Vina Morales, naiipit sa muling pag-aaway nina Shaina Magdayao at Ruffa Gutierrez!

NASA LOOB NGA yata ang kulo nitong si Shaina Magdayao! Kasi ba naman, hindi siya nag-iingat sa kanyang mga ginagawa. Iyan ay dahil sa mga huling pangyayari, kung saan muli na namang nakatanggap si Ruffa Gutierrez ng text message, kung saan cellphone pa diumano ni John Lloyd Cruz ang ginamit, at nagsasabing “Please, leave us alone!” at ipinagkanulo niya talaga ngayon ang kanyang sarili du’n sa matagal nang chismis, na malaki talaga ang problema sa kanilang relasyon ni Lloydie, pero napagtatakpan lang, dahil lagi namang cool ang magaling na ator kapag kinukumusta ang kanilang relasyon.

Hindi na naawa si Shaina sa kanyang sarili. Maganda at bait-baitan ang kanyang hitsura, pero hindi siya uurungan ni Ruffa saan mang laban. Wala rin ba siyang takot, na kung lumala ang palitan ng patutsadahan ay kukuyugin siya’t walang habas na tatarayan ni Tita Annabelle Rama? Hindi na rin siya naawa sa kanyang sister na si Vina Morales, na maaapektuhan sa gusot na kanyang pinasok, dahil sina Vina at Ruffa ay magkumare.

Maghinay-hinay naman sana si Shaina sa kanyang mga ginagawa. Nakakaawa ang sitwasyon ngayon nina John Lloyd at Vina. Hayun si Lloydie at nag-sorry kay Ruffa dahil sa nangyari. Habang si Vina naman na sobrang nananahimik sa kanyang buhay at hindi mahilig makipag-away, parang maiipit sa pagitan ng kapatid at kumare, dahil lang sa isyu ng selos. Ang nakakalungkot pa, walang magsisimpatiya kay Shaina, dahil parang siya ang nagmaldita sa pagkakataong ito, dahil matagal na ring nananahimik si Ruffa sa pagkaka-link niya noon kay JLC.

MABILIS ANG PAG-USAD ng career ng young actress na si Sarah Lahbati, dahil siya na ngayon ang magbibida sa teleseryeng Kokak ng GMA-7. Parang kaabang-abang talaga ang pagsikat ni Sarah, dahil star material siyang talaga kung hitsura ang pag-uusapan. Higit sa lahat, nakakaarte na siya, dahil napakahusay niyang umakting bilang malditang sister ni Kris Bernal sa teleseryeng Time of My Life ng Siyete. Kaya kinaiinisan siya sa tuwing may mga eksenang tinatarayan niya si Kris. Seksi rin siya, kaya inaasahang magiging mas mahusay siyang magbida ngayon sa project na dating pinagbidahan ng dating sexy star na si Rachel Lobangco.

Malaki ang pag-asa ni Sarah na sumunod sa yapak ni Marian Rivera para maging reyna rin sa GMA kung magtutuloy-tuloy ang kanyang kasikatan. Pinagpapantasyahan na kasi siya ng mga kalala-kihan, dahil maganda ang kanyang mukha.  Kaya nga, hindi nakapagtataka na na-link din sa kanya ang Kapuso star ding si Enzo Pineda. Kaya talagang dapat ding mag-ingat si Sarah na manghinawa sa kanya ang mga tagahanga niya, dahil puro pakikipagligawan ngayon ang nababalita tungkol sa kanya.

Papaano naman, si Sarah ngayon ang napapabalitang girlfriend daw ng sumisikat na bagets na si Derrick Monasterio.  Parehong umiinit na ang popularity nina Sarah at Derrick ngayon, kaya dapat din nilang pag-isipan kung kailangan ba nilang sumentro na agad sa pakikipagligawan o patunayan muna ang kanilang mga sarili sa showbiz?

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleChristopher de Leon at Sandy Andolong, ayaw pa ring tigilan sa isyu ng hiwalayan!
Next articleSakal na sakal na raw sa relasyon nila John Lloyd Cruz, hiniwalayan na si Shaina Magdayao?!

No posts to display