‘Vilma Santos’, Kulong sa Anti-Human Trafficking Law

ARESTADO ANG isang kapangalan ni Vilma Santos matapos ireklamo ng mga kaanak ng tatlong menor-de-edad na taga-Valenzuela City na pinagpo-pose ng nakahubad kapalit ng pangako ng una na makapagtatrabaho ang mga biktima sa Malaysia sa isinagawang pagsalakay sa Meycauayan, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang suspek na si Vilma Santos, alyas Joan, 37 ng Meycauayan, Bulacan.

Nabatid na nakatanggap ng reklamo ang Valenzuela City Police mula sa mga kaanak ng tatlong dalagita na may edad 14 hanggang 17 na taga-Valenzuela City hinggil sa ginawang pagpo-pose nang nakahubad ng mga biktima kapalit na makapagtatrabaho sa Malaysia.

Nakipag-ugnayan ang Valenzuela City Police sa Meycauayan Police at alas-3 ng hapon ay pinuntahan ang lugar ng suspek sa tapat ng Banga Elementary School na naging dahilan upang dakpin ang suspek habang nailigtas ang mga biktima.

Sinabi pa ng mga biktima na kailangan umano nilang mag-pose ng nakahubad dahil iyon umano ang gusto ng kanilang papasukan sa Malaysia.

Hinahanap na ng mga pulis ang ibang kasama ng suspek at nagsasagawa na ng imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.