Vicky Belo made Boy Abunda cry with Mo-interview statement

ANG LAHAT NG resulta ng proseso ng medical examination na pinagdaanan ni Willie Revillame nu’ng nakaraang linggo sa St. Luke’s Medical Center ay babasahin na ng kanyang mga doktor sa darating na Biyernes.

Nakalabas na si Willie sa ospital nu’ng Linggo nang hapon, dumiretso siya agad sa kanyang bahay sa Tagaytay. Isang kumpletong pahinga ang ibinilin sa kanya ng mga doktor kaya hindi pa muna siya makababalik sa Wowowee.

“’Yung lahat ng results, sa Friday na babasahin sa akin ng mga doktor ko, du’n ko na malalaman kung anu-ano talaga ang sakit ko at kung ano ang dapat kong iwasan.

“Kumpletong basahan ang mangyayari sa Friday, ipaliliwanag nila sa akin ang naging resulta ng mga pinagdaanan kong medical examination sa one week kong pagka-confine.

“’Yun ang reason kung bakit gustong-gusto ko nang mag-report sa show, pero hindi ko magawa, pahinga pa rin kasi ang ipinayo ng mga doctors ko nu’ng lumabas ako,” paliwanag ng host ng numero unong noontime show.

Kumpirmadong may bara ang dalawang ugat niya sa puso, pero ayon kay Willie, nakahinga siya nang maluwag nang malaman niya na walang operasyong kailangan. Hindi na siya sasailalim pa sa angioplasty dahil nu’ng magpa-angiogram siya, nalaman ng kanyang doktor na kaya pa ng medication ang kanyang sakit.

Masaya si Willie sa kanyang nalaman, pero ang pormal na pagbasa sa lahat ng pinagdaanan niyang proseso, sa Biyernes pa niya malalaman. Pagkatapos nu’n, saka lang siya makakikilos nang maayos.

“Sa Sabado na siguro ako makapagre-report sa show, gustong-gusto ko na dahil nami-miss ko na ang lahat lalo na ang mga televiewers, pero wala akong magagawa, kailangan kong sundin ang payo ng mga doktor ko dahil they know best,” kuwento ni Willie.

PAMINSAN-MINSAN LANG MAGSALITA si Dra. Vicki Belo, pero nu’ng magsalita siya ay parang may bulkang sumabog, naputukan si Boy Abunda sa kanyang naging pahayag.

Ang diretsong sinabi ng kontrobersiyal na doktora, “If you want to look like Boy Abunda, you go to Dr. Calayan, if you want to look like Dingdong and Piolo, go to Belo.”

May mga umaray sa kanyang sinabi, hindi lang umaray si Boy, umiyak pa nga raw ayon sa mga nakapanood sa TV host sa panggabi nilang programa ni Kris Aquino.

Masakit na masakit daw ang loob ni Boy dahil nilait ito ni Dra. Belo, pinersonal daw ito ng kalabang doktor ng mag-asawang Calayan, kaya may nagaganap nang giyera mundial ng mga patutsadahan ngayon.

Kung kami ang tatanungin, depende sa interpretasyon ng nakaririnig ang ipinahayag ni Dra. Belo. Kung gustong taniman ng intriga ng makaririnig ang sinabi niya ay puwede, maaaring palabasin na minemenos ni Dra. Vicki ang hitsura ni Boy Abunda. Pero kung malinis ang interpretasyon ng makaririnig, lumalabas na nagpapakatotoo lang naman si Dra. Vicki dahil si Boy ang endorser ni Calayan at sina Dingdong at Piolo naman ang mga tagapag-endorso niya.

Kumbaga, kung sino ang endorser ng magkabilang klinika ang hinagip ni Dra. Vikci, pero wala naman siguro siyang intensiyon na saktan si Boy Abunda.
Ganu’n ang pagtanggap namin sa kuwento.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.