Vicky Belo, escapes issue and leaves for Europe

LUMIPAD NA PAPUNTA sa Europa si Dra. Vicki Belo nu’ng Martes nang gabi. Nu’ng pumasok siya sa may Immigration area, maaasahan na ang naging reaksiyon ng ating mga kababayan, naging sentro siya ng mga bulungan, malisyoso siyempre pa ang utak ng mga nandu’n habang nakikita ang kontrobersiyal na doktora.

Ayon sa kampo ni Dra. Vicki, aalis na lang muna siya bago pa lumala nang husto ang usapin. Magpapalamig lang daw ang nagdeklarang biktima rin ng kanyang karelasyong si Dr. Hayden Kho, pero iba naman ang basa ng marami tungkol sa kanyang pag-alis.

Pagtakas ang terminong ginagamit ng iba tungkol sa biglaang paglipad ni Dra. Vicki papuntang Europe. Bakit daw kailangang umalis siya sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Senado tungkol sa kontrobersiyang kinasasangkutan din niya? May kinatatatukan ba ang pamosong doktora?

Tulad ngayon, nagdeklara na si Erik Chua, ang sinasabing nagpakalat ng mga kopya ng sex video. Ayon sa lalaking ito na itinuturong mastermind ni Dr. Hayden, si Dra. Vicki mismo ang nagpanakaw ng mismong mga materyales sa condo unit ni Dr. Hayden Kho.

Si Dra. Vicki ang itinuturo ngayon ng kaibigan ni Dr. Hayden na nagpalabas sa merkado ng kopya ng mga sex video. Isang akusasyong siyempre’y handang-handa namang sagutin ng kampo ng doktora.

Magulo ang kuwento, may bago na namang twist. Lumalabas ngayon na sinadya ni Dra. Vicki na ilabas ang kopya ng mga sex video para ipahiya sa publiko si Katrina Halili.

Hanggang ngayo’y may anghang pa rin ang dila ni Dra. Vicki tungkol kay Katrina. Sa halip na intindihin niya ang sexy star bilang kapwa niya babaeng biktima ng kanyang dating karelasyon, sarkastiko pa ang kanyang komento laban sa dalaga.

‘Yun daw ang napapala ng mga babaeng pumapatol pa rin sa lalaki kahit alam na ng mga ito na may karelasyon na ‘yung tao. Nandu’n pa rin ang matinding galit niya kay Katrina. Hindi matanggap ng doktora na sa dinami-dami ng mga babae riyan, isang Katrina Halili lang pala ang magpapatong ng dumi sa kanyang ulo.

Kung totoo ang takbo ng mga kuwentong lumilitaw ngayon, personal na paghihiganti pala kay Katrina ang dahilan ni Dra. Vicki sa pagpapalabas ng mga sex video, hindi nakita ng doktora ang napakalaking usaping kauuwian ng kanyang ginawa.

KAPANSIN-PANSIN NA kahit pa nagdeklara na si Dra. Vicki Belo na biktima rin siya ni Dr. Hayden Kho, dahil kinunan din nito ng video ang kanilang pagtatalik, walang anumang negatibong komento laban sa kanya ang ina ng doktor.

Ang sinentruhan ng bira nito ay sina Senador Bong Revilla, Manay Lolit Solis at Katrina Halili. Ang dahilan, ayon kay Manay Lolit ay inutangan kasi ng pamilya ng doktor si Dra. Vicki, apat na milyong piso ang sangkot na halaga sa utangan.

Naisip siguro ng pamilya, kapag pati si Dra. Vicki ay kinaladkad nila sa usapin, baka bigla niyang singilin ang mga ito. Problemado na ang pamilya sa mga kasong nagdidiin ngayon kay Dr. Hayden, poproblemahin pa rin nila ang malaking halagang sinisingil na sa kanila ng doktora.

Ibinuking din ni Manay Lolit na sustentado ng doktora ang mga granatsa sa katawan ng pa-machong doktor. Pati raw tinitirhan nito, si Dra. Vicki rin ang sumasagot, na pinabubulaanan naman ni Dr. Hayden Kho.

Ang pamilya raw nito ang tumutulong sa kanya, hindi raw nito iniaasa ang kanyang buhay kay Dra. Vicki. Isang depensang pinagtaasan lang ng kilay ni Manay Lolit at ng iba pang mga taong may malalim na alam tungkol sa takbo ng kanilang relasyon.

Umandar na naman ang utak ng ating mga kababayang lumundag na nang malayu-layo tungkol sa senaryo. Kapag medyo humupa na raw ang kontrobersiyang ito, huwag na tayong magulat pa kapag nalaman natin na nagkabalikan pala ang dalawang doktor.

Sa puntong ‘yun, walang imposible. Sa larangan ng pag-ibig, dalawang klase lang ng tao ang nabubuhay-isang sadista at isang masokista.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

loading...

One thought on “Vicky Belo, escapes issue and leaves for Europe

  1. may kinalaman yan si vicky belo amoy lupa na kasi–baka siya nag ecstasy kasi sa tanda na niya e kailangan may vitamins na siya

Leave a Reply

Your email address will not be published.