Vice Mayor Isko Moreno; 5 Pang Konsehal, Pinalaya Na

PINALAYA NA ng Manila Police District (MPD) si Vice Mayor Isko Moreno at limang iba pang konsehal, walong oras matapos silang arestuhin dahil sa umano’y ilegal na sugal.

Sinabi ni Moreno na pinalaya sila ni Manila chief fiscal Elaine Yarra-Cerezo dahil sa kawalan ng ebidensiya.

“According to chief fiscal Cerezo we are being released on the basis of insufficiency in evidence. So we are being released for further investigation for insufficiency of evidence. Sa madaling salita, napatunayan namin na kami hindi lumabag sa batas at kulang ang ebidensiya at ang kanilang mga ginagawang ebi-ebidensiya, mga planting-planting of evidence,” ayon kay Moreno.

Sabado ng hapon nang arestuhin ng MPD si Moreno at mga kasamang sina Atty. Joel Chua, Rey Fugoso, Jong Isip, Yul Servo-Neto, LetLet Zarcal dahil sa pa-bingo na ginagawa sa Sta. Cruz.

Pinatitigil umano ng mga awtoridad ang pa-bingo dahil iligal umano ito.

Paliwanag naman ni Supt. Ricardo Layug, nakumpiska nila ang mga bingo card kung saan nakasulat sa likod ang mga pangalan ni Moreno at ka-tandem nitong si dating Pangulong Joseph Estrada na tatakbo namang alkalde ng Maynila.

Depensa ni Moreno, limang taon na nilang ginagawa ang proyektong pa-bingo at ngayon lang ito tila napag-iinitan ng mga pulis. Mariin din nitong iginiit na wala silang nilalabag na batas at hindi rin iligal ang larong bingo.

Unang sumugod sa presinto kamakalawa si dating Pangulong Estrada para tignan ang sitwasyon ni Moreno roon.

Nangako naman si Estrada na bibigyan niya ng abogado ang ka-tandem niya sa papalapit na halalan.

Bandang alas-12:00 ng madaling-araw naman nang magtungo rin doon si Vice President Jejomar Binay para suportahan ang bise alkalde.

Sa paglaya ni Moreno bandang alas-4:00 ng madaling araw kahapon, pinasalamatan nito ang dalawa.

Samantala, bukod naman sa mga ito, nagpasalamat din si Moreno sa kanyang mga supporter na nagbantay habang sila ay nasa kustodiya ng MPD.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.