Vice Ganda, sinorpresa ang ina sa Amerika

Vice Ganda, sinorpresa ang ina sa AmerikaSinorpresa ni Vice Ganda ang madir niyang si Mrs. Rosario nang dalawi niya ito sa US.

Kasama ang mga kapatid niya at Team Vice Ganda, sinorpresa ng phenomenal stand-up comedian ang kanyang ina. Nag-post siya ng photos nang muling pagkikita nila ng madir niya.

Nag-post din si Vice Ganda ng mahabang mensahe sa kanyang madir.

“Linggo ng Palaspas 1991 ng pumanaw ang Tatay ko. Nalagasan ng isang malaking bahagi ang pamilya namin. Yun ang simula ng unti unting pagkakawatak ng aming pamilya. Sa kahirapan ng buhay napilitan ang Nanay ko na makipagsapalaran sa Amerika para mabuhay kami. Sa kawalan ng presensya ng magulang sa bahay nagkanya kanya kaming magkakapatid. Magkakasama sa isang bubong pero kanya kanya. Magkakapiling pero magkakahiwalay.

“Bilang pinakabata damang dama ko ang hirap at lungkot ng pangungulila. Habang nahuhubog ang pagkatao ko unti unti rin nahuhubog sa isip at puso ko ang paghahangad na balang araw ako mismo ang gagawa ng hakbang para muling mabuo ang pamilya ko. Nagtrabaho ako. Hinusayan ko ng husto para makaipon para sa anumang pagkakataon ay makakaya kong muling pagsamasamahin ang nagkahiwalay kong pamilya.

“Ngayon matapos ang dalawampu’t anim na taon Linggo ng Palaspas hindi ko hahayaang di kumpleto at di magkakasama ang natitirang pinakamahahalagang tao sa buhay ko. Kaya inilipad ko ang mga kapatid at pamangkin ko kasama ang mga pinakamalapit kong kaibigan sa Amerika para surpresahin ang Nanay ko. Ngayon magkakayakap muli ang buong pamilya ko. Masaya ko sa kasikatang meron ako. Sa mga tropeyo at pagkilalang natatanggap ko. Pero ito ang TAGUMPAY na totoong hinahangad ko. Di to malalaos. Di kaylanman maluluma.”

Lex Chika
by Alex Valentine Brosas

Previous articleJanella Salvador at Marlo Mortel, laging pinaghihiwalay
Next articleKathryn Bernardo at Daniel Padilla, mas matured sa ginagawang pelikula

No posts to display