Vice Ganda, kinaaasaran na?!

OLA CHIKKA! HINDI ko na ikinagulat nang marinig ko ang balita tungkol sa nangyaring eksena sa show nitong si Vice Ganda sa Cagayan de Oro kamakailan lamang. Ano pa ba’ng aasahan n’yong balita eh, ‘di malamang katulad na naman sa nangyari sa mga taga-Davao.

Sa show niya sa Cagayan de Oro, may biniro siyang isang audience doon na wala siyang kaalam-alam na ginawa niyang katatawanan ang isang respetadong tao sa lugar na iyon. Kaya sa asar ng mga tagaroon, pinababa na siya ng stage at kung nagkataon ay baka nasaktan pa siya ng mga ito.

Kilala si Vice sa pang-ookray at kitang-kita naman sa noontime show nilang Showtime kung papaano niya okrayin ang mga contestants. Kaya pagdating sa mga shows niya, hindi talaga mawawala ang pangengeme niya, ‘yung tipong magpapatawa siya sa pamamagitan ng pagpuna sa tao na masyado nang personal at hindi niya alam na nakakasakit na siya.

Hanggang ngayon ay mukhang hindi pa rin niya natututunan na hindi sa lahat ng lugar ay puwede mong unahin ang kasiyahang katulad ng ginagawa niyang pagpapatawa sa comedy bar. Kilala na siya sa industriya ng pagpapatawa kaya nararapat lamang na ingatan niya ang pangalan niya at magkaroon ng konting ingat sa mga salitang lumalabas sa kanyang bibig, dahil kapag hindi naglaon ay ito pa ang ikasisira niya at masayang ang kanyang mga pinaghirapan.

Kung tutuusin, hindi magandang balita ito para kay Vice Ganda, lalo na’t makaaaapekto ito sa kanyang pelikulang Petrang Kabayo. May naririnig kasi akong balitang kumakalat na isasabotahe ng mga taga-Davao ang pelikulang iyon, as in hindi talaga nila papanoorin dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nila makalimutan ang pagiging unfair daw umano ni Vice sa pagbigay ng napakababang score para sa kanilang pambato.

Hmmm… mukhang lumalawak na ang nasasakupan ng mga asar kay Vice, hindi lamang mga taga-Davao, kundi pati ang mga taga-Cagayan de Oro, join na rin sa war? Ha-ha-ha! Joke!

SA KABILA NG demandang isinampa ni Cristy Fermin laban kay Chokoleit, patuloy pa rin ang paghahayag ng saloobin ng komedyante laban sa TV host. Mukhang hindi talaga natitinag itong si Chokoleit dahil walang keber siyang nagpo-post at naglalabas ng kumento laban kay Sherkty Fermin… ha-ha-ha!

Isa lamang naman iyan sa ginamit niyang bansag doon kaya’t hayaan n’yo nang magamit ko. Sa bagay, kung sa paniniwala mong nasa tama ka, nararapat lamang na panindigan mo ang mga desisyon at aksiyon mo. At sa tingin ko naman, nagsasabi ng totoo itong si Chokoleit, dahil hindi lalabas ang kakaibang tapang niya kung may alinlangan siya, ‘di ba?!

BLIND ITEM: PITIK-BULAG! Sino siya? Mahulaan n’yo kaya itong male personality na minsan nang napabalitang bading ngunit nalinis ang pangalan nang magkaroon na siya ng magandang jowa?

Ngunit ngayong wala na sila, muli raw umalingasaw ang bahong matagal-tagal din umano niyang itinago.

Sa isang hotel, nakita ng aking parazzi girl itong si male personality at malamang hindi siya maaaring mag-isa. Ngunit nawindang ang aking parazzi girl nang makita ang kanyang kasama. Inasahan niyang isang makinis at magandang babae ang kasama niya, ngunit ang nakita niya ay kabaliktaran! Isang guwapong lalaki ang ka-join niya.

Nagtaka tuloy ako kung ano ang gagawin ng dalawang lalaki sa isang hotel. Hmmm… Sa bagay, malay mo business meeting lamang iyon at masyado naman nating nilalagyan ng kulay, ‘di ba? Ha-ha-ha! ‘Yun na!

Kung hindi n’yo pa rin mahulaan, alamin sa aking prorama kasama si Lady Camille sa DWSS 1494 khz, Lunes-Biyernes, 11:30-12 nn. At subaybayan pa rin po ako sa DZRH 666khz tuwing Linggo, 2:30-3:30 p.m., para maging una sa chikka… Ola Chikka!! Thank you very much and God bless us all! Paakk!

Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding

Previous articleKris Aquino, pinalalabas na malandi?!
Next articleMariel Rodriguez, pinalalabas na sinungaling ang mga reporter?!

No posts to display