Vendor, Itinumba ng 2 PDEA Agent

PATAY ANG isang vendor makaraang pasukin sa loob ng kanyang tirahan ng dalawang armadong suspek na nagpakilalang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at paulanan ng bala habang natutulog sa Quezon City, kamakailan.

Dead-on-the-spot sa lugar ang biktimang si Arnold Elioso, 39, binata, matapos na magtamo ito ng mga tama ng bala sa kanyang katawan, ayon kay SPO1 Eric Lazo, imbestigador sa kaso.

Tanging mga kasuotan lamang ng mga salarin na nakasuot ng itim na jacket, itim na pantalon, itim na helmet ang natukoy ng mga nakasaksi.

Naganap ang nasabing insidente sa loob ng bahay ng biktima na matatagpuan sa Rose St., Area A, Brgy. Payatas, ganap na alas-2:11 ng madaling-araw.

Bago ito, nasa kasarapan ng tulog ang biktima kasama ang isang Rogelio Rojo sa kanilang kuwarto nang puwersahang pumasok ang mga salarin na nagpakilalang mga ahente ng PDEA.

Ilang sandali pa, isa sa mga suspek ang biglang nagbunot ng kanyang baril at sunud-sunod na niratrat ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan, saka tumakas.

Lumalabas sa pagsisiyasat, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng bala at tatlong tingga ng kalibre .45 baril na ginamit sa pamamaslang.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.