Utos ni P-Noy sa pulisya… “Pumatay kay delana, dakpi”

INATASAN NA KAHAPON ni Pangulong Noynoy Aquino ang NCRPO na agarang dakpin ang mga pumatay sa political leader ni Vice Mayor Egay Erice makaraang mabahala ang Pangulo sa umiinit na pulitika sa Caloocan City.

Ayon kay Erice, direktang inatasan ni P-Noy si National Capital Regional Police Office Director Allan Purisima upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagpatay kay Sammy Delana, 38.

Si Delana, political leader ng bise alkalde, ay inambus at napatay bandang alas-10:15 ng umaga noong Martes ng limang ‘di kilalang lalaki na naka-bonnet, sakay ng tatlong motorsiklo.

Si Delana ay nakasakay sa multicab na may litrato ni Erice at mababasa sa tagiliran ng nasabing sasakyan ang mga katagang “Tapusin ang Kalokohan, Aasenso ang Caloocan” nang siya ay ratratin.

Matapos ang pamamaril, ang mga salarin – tatlo sa kanila ang lumusob kay Delana at ang dalawa ay nagsilbing look-out – ay tumakas na parang walang nangyari, ayon sa mga nakasaksi ng krimen.

Mga tama sa kaliwang pisngi, katawan at kamay ang kumitil sa buhay ni Delana na iniulat pa na nadala sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital sa Tala, ngunit ‘di rin umabot nang buhay.

Ang kasama ni Delana na si Nelda Dioquino, 42, PTA president ng Sto. Niño Elementary School ay tinamaan sa balikat. Siya ay naka-confine ngayon sa nasabing ospital.

Sina Delana at Dioquino ay patungo sa bahay ni Merlita Torpoles, isa pang political leader ni Erice, sa Bagong Silang nang  tambangan, ayon sa pulisya.

Ayon kay Erice, malaking kawalan sa kanya si Delana na maituturing niyang mabait at masipag na political leader. Si Delana, aniya, ang nag-aayos sa kanyang mga meeting sa mga barangay sa Bagong Silang.

“Si Delana ay halimbawa ng isang public servant na ‘di marunong yumuko sa dikta ng maruming pulitika. Ito marahil ang dahilan kaya pinag-interesan ang kanyang buhay,” pahayag pa ni Erice.

Ang pagpatay kay Delana ay nakikitang estratehiya rin para takutin si Erice at mga kasama nitong nagsusulong ng ‘tuwid na daan’ para sa pagbabago ng bulok na pamamahala sa Caloocan City Hall.

Ngunit ayon kay Erice, ‘di magiging dahilan para siya ay matakot sa sinimulan na niyang ‘laban para sa pagbabago’ sa Caloocan, bagkus magiging inspirasyon ang sinapit ni Delana para lalong pag-ibayuhin ang adbokasiya para makamit ang maayos na serbisyo sa lungsod.

Si Erice, na nakakatanggap din ng pananakot sa ‘di kilalang mga personalidad, ay naniniwalang pulitika ang dahilan sa pagpatay kay Delana.

Nagsimula ang kalbaryo ni Erice nang ibulgar ang mara-ming anomalya sa Caloocan, kasabay ng pagsampa ng mga kasong Graft at Plunder laban kay Mayor Recom Echiverri at iba pang opisyal ng pamahalaang lungsod.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.