Utol ng Brgy. Captain, Itinumba ng Kalaban sa Eleksyon

HINDI PA man nagsisimula ang election period para sa darating na Barangay Election sa Oktubre 28, nagsimula nang uminit ang pulitika sa ilang bahagi ng Iloilo.

Ito’y kasunod ng pagpatay sa kapatid ng punong barangay sa Brgy. Nipa, Concepcion, Iloilo na kakandidato sana sa darating na eleksyon.

Ang nasabing biktima ay kinilalang si Gerardo Villaruz, 46, ng Sitio Funtales Brgy. Nipa, Concepcion.

Sinabi ni P/Insp. Ferdinand Limbungan, hepe ng Concepcion PNP na magkasama rin umanong nag-inuman sa bahay ng kanilang kaibigan ang biktima at ang salarin na kinilalang si Reynald Pescadera, residente ng naturang lugar.

Pagkatapos ng inuman, nagtalo umano ang asawa ng salarin at bayaw nito kaya’t pinauwi sila ng biktima.

Napikon umano ang salarin kaya’t binalikan nito ang biktima at binaril sa ulo na agad  ikinamatay nito.

Napag-alaman din na magtatapos na ang termino ng kapatid ng biktima na punong barangay at ito sana ang papalit sa kanya kung saan tatakbo rin bilang punong barangay ang asawa ng salarin.

Samantala, ayon sa mga awtoridad, may dati nang alitan ang magkabilang kampo at pinaniniwalaang ito ay mas pinatindi pa ng nakatakdang paglalaban ng dalawa sa dara-ting na eleksyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.