Utang sa Video Karera Biyuda, pinatay; 3 anak, kritikal din

PINATAY SA saksak ang 48-anyos na biyuda habang nasa kritikal namang kalagayan ang tatlo niyang menor de edad na anak, matapos pagsasaksakin ng kapit-bahay makaraang nagalit ang suspek sa ginawang pagsingil ng ginang sa pagkakautang ng huli sa pagsusugal ng video karera machine na pag-aari umano ng biktima sa Caloocan City, kamakalawa ng madaling-araw.

Walang nang buhay ng dalhin sa Manila Central University (MCU) Hospital si Anna Agullo, ng Reparo St., Libis Baesa ng nasabing lungsod , sanhi ng mga saksak sa likod, balikat at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang inoobserbahan sa nabanggit na pagamutan ang kanyang tatlong anak na sina Justine Ann, 15; Alvin Jun, 13; at Alter Jun, 11, na pawang nagtamo rin ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang naaresto sa Quezon City ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police at Caloocan Police ang suspek na nakilalang si Ivan luo Cliaco, 28, kapitbahay ng mga biktima habang nag-aabang ng kanyang masasakyan para tumakas.

Sa isinagawang im-bestigasyon ni SPO1 Joselito Barredo, Jr., may hawak ng kaso, dakong alas-4:30 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa loob ng bahay ng mga biktima.

Nabatid, bago umano maganap ang nasabing insidente ay inatasan ng biktima ang kanyang kapatid na si Lucy Alejandro na puntahan ang suspek sa bahay nito at singilin sa kanyang utang.

Nagalit umano ang suspek sa ginawang panini-ngil ng biktima kung kaya’t nagkasagutan ang mga ito, bagay na ipinagwalang-bahala ng namatay.

Lumalabas pa sa imbestigasyon ng pulisya, dumaan ang suspek sa bintana ng bahay ng mag-anak at doon kumuha ng patalim sa kusina at unang pinuntahan si Anna sa kuwarto at sinaksak sa tiyan.

Nagawang makatakbo ni Anna at nakapagtago pa ito sa likod ng videoke, pero nakita siya ng suspek saka pinagsasaksak pa uli sa likod at iba pang parte ng katawan.

Nang matiyak ni Climaco na patay na ang ginang, pinasok naman nito ang kuwarto ng mga natutulog na bata at isa-isang pinagsasaksak, saka tuluyang tumakas.

Napag-alaman mula sa ilang ayaw magpakilalang kapitbahay, ang suspek ay adik sa pagsusugal sa video karera machine na pag-aari umano ng namatay kung kaya’t nagkakautang-utang ang suspek sa biktima.

Wika pa ng mga kapitbahay, ang salot na video karera machine ay nagkalat umano sa kanilang lugar kung saan hindi man lamang ginagawan ng kaukulang aksiyon ng Caloocan City Police.

Ang mga kapit-bahay na rin ng mga biktima ang nagdala sa mga biktima sa MCU at kasong murder at 3 counts of frustrated murder ang ikakaso kay Climaco.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.