Utak-talangka ang isang Freddie Aguilar

“E, pinapatunayan lang ang sinabi ni Mariah Carey na ang mga Pilipino ay mga unggoy. Kasi gaya-gaya lang.”

– Freddie Aguilar

UBOS NA ANG natitirang katiting na respeto ko para sa iyo, Freddie Aguilar. Ang tagal mo na sa industriyang ginagalawan mo pero hanggang ngayon hindi mo pa rin alam ang salitang diplomasiya. Kailangan mong maintindihan na lipas na ang panahon mo at merong mas bagong sibol na talentong darating. Hindi kabawasan sa pagiging Pilipino ang pagkanta sa wikang banyaga. Kahit nga ‘yung kanta mong Anak, hindi ‘yan sisikat sa ibang bansa kung hindi isinalin sa ibang wika. ‘Yan ipinagmamalaki mo? One hit wonder. Pagkatapos, ano ang nangyari? Tinamad ka nang gumawa ng ibang kanta. Huwag mong sabihing ipinagmamalaki mo ‘yung nag-iisang kanta mong Anak –meron ka na niyan pero ano ang dahilan para umasta kang walang pinagkatandaan at pati ba naman si Charice pinapatulan mo? Likas sa bata ang umidolo. Sa katunayan, hanga ako sa kanya dahil alam niyang hindi ang kagaya mo ang dapat pamarisan dahil wala kang pagpapahalaga sa pagkatao ng iba.

Naririnig mo ba ang sarili mo? Kapwa-Pinoy mo ang nilalait mo. Sinong nawalan ng pagiging makabayan? Imbes na magsalita ka, kumanta ka na lang. Ang bobo kasi ng punto mo. Maraming Pinoy artist ang nabigyan ng pagkakataon na magtanghal sa ibang bansa kaya kantang banyaga ang kakantahin nila. Kung babaliktarin natin ang situwasyon, ang mga foreign artist ba kumakanta ng Tagalog kapag nasa Pilipinas? Kung gusto mong makisabay sa international market, natural kailangan mo munang kunin ang pansin nila at kapag nagkaroon ka na ng kredibilidad saka mo ipasok ang kultura mo. Iba na ang henerasyon ngayon. Hindi kailangan Tagalog ang kakantahin mo para masabing makabayan ka. Hindi tatangkilikin ng mga dayuhan ang mga Pinoy dahil sa banyagang wikang gamit nila kundi dahil sa alam nila na may talento itong mga Pilipinong ito, itong mga ‘unggoy’ na tinutukoy mo.

Ang pagiging Pinoy ay hindi nakikita sa wika ng kanta kundi sa kung paano siya gumagawa ng paraan para maipagmalaki siya at ang kanyang pinagmulan. Proseso ‘yan, Ka Freddie. Sabagay, sa Pilipinas nga hindi mo nagawa iyon, sa ibang bansa pa? Ikinalulungkot kong sabihin na hindi kami nabubuhay sa perpektong mundo mo. Magkaisa at suportahan natin ang mga Pinoy, hindi ‘yung kung umasta ka parang kang bayaning nagmamalinis.

Malamang may pinaghuhugutan ito – gusto mong kantahin ang mga kanta mo nina Charice, Arnel Pineda, Lea Salonga at iba pang mga kilalang Pinoy sa ibang bansa. Sa ginawa mong ito? Asa ka pa. Sa edad nila, nabigyan nila ng karangalan ang Pilipinas, samantalang ikaw? Sa tanda mong iyan nakuha mo pa kaming ipahiya.

Hindi naman talaga ito tungkol sa pagiging makabayan, tungkol ito sa pagtupad ng pangarap kasama ng mga taong tunay na nagpapahalaga sa kakayahan mo nang wala kang sinasagasaan. Ang imahe mong iyan ang sumasalamin sa nakararaming Pinoy – ang pagpupumilit na hatakin pababa ang mga kababayang nagbibigay karangalan sa bansa. Isa kang taklesang talangka na mananatili sa paanan ng mga unggoy – inaapakan para mamatay.

by Chiksilog

Pinoy Parazzi

About the Author

has written 5562 stories on this site.

loading...

One thought on “Utak-talangka ang isang Freddie Aguilar

Leave a Reply

Your email address will not be published.