Utak sa Pekeng SARO, May Access sa DBM

NAGPAPATULOY ANG pagsisiyasat ng Department of Agriculture sa iba pang posibleng sangkot sa sinasabing pamemeke ng mga Special Allotment Release Orders (SARO) ng ahensiya.

Sinabi ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na ang naturang mga personalidad ay kalimitang nagpapanggap na mga kinatawan ng DA at siyang naglalakad ng mga “forged copies” ng SARO para sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa kalihim, nakikipag-ugnayan na rin sila sa National Bureau of Investigation para matukoy kung sino ang posibleng utak sa nasabing sindikato.

“We have cases where people would pose as lawyers or assistant secretaries from our department. I assume that there is someone who has access inside the DBM office and access to the SARO documents,” pahayag ni Alcala.

Nilinaw naman ni Department Budget and Management (DBM) Sec. Butch Abad na hindi pa naipapalabas ang P879 milyon para sa farm-to-market road na nakapaloob sa peke umanong mga ginamit na SARO.

Inihayag ni Abad na noong Oct. 22 pa ay nakarating sa kanyang kaalaman ang nabanggit na modus operandi kaya kinabukasan agad niyang hiniling sa National Bureau of Investigation na ito ay siyasatin.

Sinabi ni Abad na kanselado na ang mga binabanggit na SARO at walang perang lumabas para sa nasabing mga proyekto.

Tiniyak din ni Abad na walang sasantuhin o pagtatakpan sa pagsisiyasat at dapat may managot.

Sa ngayon, lumalabas daw na peke ang naturang pirma ni DBM Asec. Luz Cantor dahil kaiba ito sa kanyang lagda.

Samantala, hindi masabi ni Abad kung may nakalusot na sa mga naunang taon ng administrasyon dahil ngayong taon lang daw nadiskubre na mayroong anomalya.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.