Utak-bangbang at mga VK ni Col Santos sa Caloocan

AUTOMATIC KALASNIKOV O mas kilala sa tawag na AK-47. ‘Yan ang uri ng baril na natagpuan noong isang linggo sa loob ng sasakyan ni Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas.

Dahil sa insidente, napag-alaman na isa lamang ang AK-47 na ito sa maraming high powered guns na nakapangalan sa nasabing opisyal. At isipin na lamang na ang may-ari ng mga baril na ito ay isang mataas na opisyal ng Palasyo.

Ang tanong, ilan pa kayang “tsuwariwap” ni P-Noy ang palaging may saklay na baril habang nasa kalsada ang kanilang sasakyan?

Tandang-tanda pa natin, parekoy, ang ipinangangalandakan ni P-Noy na sa ilalim ng kanyang administrasyon ay winakasan nito ang tinatawag niyang utak-wangwang.

Ibig sabihin, kung nasugpo man ni P-Noy ang tinatawag niyang “utak-wangwang”, maliwanag pa sa sikat ng araw na napalitan naman ito ng “utak-bangbang”!

Sa totoo lang, parekoy, mas kampante pa akong magmaneho sa kalsada na ang mga katabi ay utak-wangwang kesa naman sa mga “utak-bangbang”!

Bwakang inang buhay ito oo, pinalaya ka nga sa “utak-wangwang” na simbolo raw ng kapangyarihan, pinalitan naman ng “utak-bangbang” na maliwanag na simbolo ng utak pulbura o kagulugan!

Pwe!!!

 

TOTOO NGA KAYA na may basbas mula kay Caloocan City Chief of Police S/Supt. Jude Santos ang mga video karera machine na naglipana ngayon sa Caloocan City?

Kung tutuusin kasi, hindi na sikreto sa nasabing lungsod lalo na sa mga istasyon ng kapulisan ang operasyon ng nabanggit na mga video karera machine.

Ang masakit, parekoy, ang mga makinang ito rin daw ang dinala noon sa Caloocan City para i-operate ni Sacho dahil umano sa pagsang-ayon nina Al Sta. Maria at Major Soriano. Ngunit nang binulabog ito ng media ay agad na pinaghuhuli ng grupo ni Soriano.

Buong akala ng mga pulis at ng mismong may-ari na si Sacho ay wawasakin nina Major Soriano ang nasabing pinaghuhuling mga makina.

Asus, pinaganda pa lalo at sa ngayon, ang mga ito rin daw ang ipinakalat sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Na ayon sa ating “tawiwit”, mismong mga pulis na malalapit kina Al at Maj. Soriano ang nagpapatakbo sa ngayon ng nasabing mga video karera machine.

Ano ba, Col. Santos, harap-harapan na ang katarantaduhang ito na siyang nagsasadlak sa mga kabataan ng Caloocan sa pagiging sugarol. Kung hindi totoong may basbas mula sa iyo ang operasyon na ito nina Major Soriano, bakit hindi mo kayang ipahuli? O kaya ay sibakin si Major Soriano?

Aha! ‘Pag nagkataon ay dapat kang masampulan ni NCRPO Chief Gen. Alan Purisima!

Kung ako sa iyo, Col. Santos, ipalit-ulo mo na lang si Major problem…. Kesa naman ikaw ang masibak dahil sa mga makinang ‘yan!!!

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.