Usisero, Todas sa Bala

ISANG LALAKI ang maagang kinuha ni kamatayan makaraang barilin ng isang hindi nakikilalang suspek habang hinahabol nito at apat na kasamahan ang tatlong hindi nakikilalang kalalakihan na umano ay nag-1-2-3 sa isang videoke bar sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Namatay habang dinadala sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala ng caliber 45 sa kaliwang braso at naglagos sa puso ang biktimang si Karichie Iwase, 20, ng Block 13, Lot 1, Tatampal St., Brgy. 14 ng nabanggit na lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan PNP, dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa harap ng Kingram Videoke Bar and Restaurant na katapat lamang ng bahay ng biktima.

Nabatid, bago umano maganap ang nasabing insidente, ang biktima at apat nitong kasamahan ay nakitang nag-iinuman sa loob ng nasabing bar ng biglang magtakbuhan ang tatlong hindi nakikilalang customer matapos hindi magbayad ng kanilang nakunsumong serbesa at pulutan.

Habang nagaganap ang habulan ay biglang umalingawngaw ang isang malakas na putok ng baril hanggang sa duguang humandusay ang biktima sa kalsada sanhi ng tama ng bala na kaagad na dinala sa nasabing pagamutan subalit idineklarang DOA.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng follow-up operation ang nasabing himpilan ng pulisya upang makilala ang bumaril at nakamatay sa biktimang si Iwase at masampahan ng kaukulang kaso.

 (ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.