USEC CONEJOS NG DFA, PURO SATSAT LANG!

ANO PO BA ang papel n’yang si Usec. Conejos ng DFA? Napanood ko siya sa TV kamakalawa at wala siyang ginawa kundi ipaliwanag ang panig ng China tungkol sa nakaambang bitay sa tatlo nating kababayang nasentensiyahan ng kamatayan dahil sa drug trafficking. ‘Di po ba may papel din ang DFA kung bakit nagkaganu’n ang tatlong kababayan natin sa China?—Lucy ng Novaliches

MABUTI’T NAPANSIN MO rin ‘yan. Nagtataka nga ako kung bakit hindi pa nagre-resign ang mapapel na Usec. Esteban Conejos na ‘yan ng DFA. Mabuti pa ang amo n’yang si Secretary Romulo—may delikadesa kaya magre-resign.

Napanood ko rin ang kanyang press conference noong isang araw. Kumpleto pa ang props n’ya. May idinisplay pa siyang isang supot na plastic na diumano’y kasinlaki ng nasamsam na bag ng heroin sa mga Pilipinong nasentensiyahan sa China. Sa napakahaba n’yang press conference na iyon, wala siyang mahalagang ginawa kundi ipaliwanag ang dahilan ng China sa paghuli at pagsentensiya sa tatlong Pilipino. Wala siyang idinikdik sa isip ng mga nanonood na wala nang pag-asa pa ang anumang gagawin nating pakiusap sa China dahil iba ang sistema ng batas doon.

Lumalabas tuloy na siya ang nag-aabugado sa China. Sa totoo lang, hindi na niya kailangan pang ipaliwanag ang posisyon ng China. Trabaho na ng China na ipaliwanag ang kanilang ginawang pagsentensiya sa tatlo. Hindi mo na trabaho ‘yun, Mr. Conejos! Ang ginawa mo eh, winisikan mo pa ng asido ang tinamo nang sugat ng ating bansa.

Ang dapat mong ipaliwanag ay kung paano nabibiktima ang ating mga kababayan ng mga drug syndicate. Sa halip na sermonan mo ang mga biktimang OFW, dapat ay may ginawa na ang DFA at gobyerno sa mga sindikatong ito na bumibiktima sa mga OFW natin.

Bistado ka na, Mr. Conejos! Kaya ka naman pumapapel nang husto ngayon eh, dahil ayaw mong malaman ng mga kababayan natin ang naging kapabayaan n’yo sa pagtulong sa mga kababayan nating tulad ng mga nakabilanggo pa sa maraming bansa. Ni hindi ka man tumutol sa pagbawas sa pondo ng Legal Assistance Fund na wala nang P100 milyon ngayon. Mas malaki pa ang “pabaon” ng mga heneral ng AFP kaysa d’yan sa pondong ‘yan.

‘Yan na nga ba ang sinasabi ko tungkol sa mga recycled na opisyales ng pamahalaan natin—mga na-appoint ng dating administrasyon na hanggang ngayo’y nagkakalat pa rin. Buti pa sabayan mo na ang resignation ng isa pang recycled na opisyal – ang boss mo – sa DFA.

LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO!

Maaari n’yo ring i-text ang inyong mga katanungan na may kinalaman sa OFW o iba pang usaping legal sa:

PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users)

O kaya’y mag-e-mail sa omecandazo@yahoo.com

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.