Uri Ng Bomba at Suspek sa Pagsabog sa Cotabato, Tukoy na

MAY SUSPEK na umano ang Cotabato City Police Office (CCPO) sa naganap na pagsabog sa Sinsuat Avenue sa Cotabato City na ikinamatay ng walong katao at mahigit 30  ang sugatan.

Ito’y ayon kay CCPO director S/Supt. Rolen Balquin ngunit tumangging pangalanan ang grupo ng mga salarin dahil nagpapatuloy pa ang kanilang pagsisiyasat lalo na ang pag-ipon ng mga ebidensiya.

Naniniwala si Balquin na miyembro ng isang organisadong grupo ang mga suspek na siya ring responsable sa serye ng mga pagsabog sa bansa ngunit tinutukoy pa nila kung ito ay locally organized o internationally organized terrorist group.

Isa naman sa tinitingnan na motibo sa krimen ay ang pulitika dahil isa sa mga target ay ang city administrator ng Cotabato.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, posible na isang “ammonium nitrate with fuel content” ang pinasabog na bomba sa nakaparadang multicab dahil ito ay nagresulta ng pagkasunog ng pitong bahay sa gilid ng daan malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Una nang kinilala ang mga namatay na sina Sangkalam Satol, Salippudin Sindatok, Dangkala Impar at si SP03 Mama Manambuhay na dead on arrival sa pagamutan.

Ibinunyag na rin ni Cotabato City administrator Atty. Cynthia Guiani-Sayadi na siya ang target ng naganap na car bomb.

Sinabi ni Sayadi na marami na siyang natatanggap na banta sa kanyang buhay at patunay raw rito ang mga text messages na kanyang natanggap na maaaring makatulong sa pagsisiyasat  ng mga kinauukulan.

Kaugnay nito, apela ni Sayadi sa mga awtoridad na mahuli agad ang mga salarin na responsable sa nangyaring car bomb gamit na pinaglayan ng bomba ang isang multi-cab.

Ayon sa city administrator, pangatlong beses na itong nangyari sa kanyang buhay na posible raw paghihiganti ng kanyang kalaban sa pulitika ang motibo.

Nabatid na si Cotabato City re-electionist mayor Japal Guiani, Jr., ay kapatid ng nasabing administrator.

Kabilang si Sayadi sa mga sugatan matapos dumaan ang kanilang convoy nang mangyari ang insidente.

Ang isa sa mga escort na pulis na sakay ng convoy ay patay matapos na madamay sa pagsabog.

Samantala, iniha-lintulad naman ng isa sa mga nakaligtas sa Cotabato City blast ang pagsabog sa kidlat na biglang sumambulat.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.