UP teacher, nabiktima ng Budul-Budol Gang

HINDI MAKAUSAP NANG matino nang magsadya sa himpilan ng pulisya ang isang guro sa University of the Philippines (UP), matapos matangay ng miyembro ng “Budul-Budol Gang” ang kanyang mga gamit, alahas at pera sa Caloocan City, Lunes ng hapon.

Labis ang panghihinayang ni Camille Quintana, 24, may asawa, residente ng # 36 Union St., Barangay San Jose, Navotas City, nang tangayin ng hindi nakilalang suspek ang kanyang laptop, cellphone at alahas na nagkakahalaga ng P66,000, pati na ang cash nitong P2,000.

Sa pahayag ni Quintana, bandang alas-5:00 ng hapon, kasalukuyan siyang nasa UP Diliman at nagtuturo nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone.

“Lalaki po ang sumagot at ang sabi magdala raw ako ng pera at puntahan ko ang mama ko sa Caloocan City, kasi nakasagasa raw ng bata,” ani Quintana.

Dali-daling nagpunta ang biktima sa Sangandaan, Caloocan City upang makipagkita sa hindi kilalang caller na inilarawan pa ang suot na damit nito.

Pagsapit sa nasabing lugar, kaagad na nakita ng guro ang lalaki at hiningi sa kanya ang mga dalang gamit pati na ang pera saka umalis.

Ilang oras ang lumipas hindi na bumalik ang lalaki kung kaya’t nagpasiya itong umuwi, pero laking gulat ng biktima nang makita ang ina sa loob ng kanilang bahay.

Kagyat na nagtungo sa Navotas Police ang biktima at tiningnan sa police gallery ang mukha ng suspek, pero wala ito sa file ng police.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.