UN Kailangan na sa Zambo Crisis

KAILANGAN NA umano ang tulong ng United Nations (UN) para maresolba ang krisis sa Zamboanga City matapos ang paglusob ng daan-daang kasapi ng Misuari breakaway group na may hawak pang mga residenteng hostages.

Sinabi ni Crisis Committee Council (CMC) Chairman at Zamboanga City Mayor Isabelle “Beng” Climaco-Salazar na hinihiling ng MNLF ang pagpasok sa eksena ng UN upang maresolba ang krisis dahil isa umano itong mabigat na suliranin.

Inihayag ni Climaco na nag¬mamatigas umano ang grupo ng MNLF na pinamumunuan ni Nur Misuari at limang commanders nito na nasa likod ng bakbakan sa Zamboanga na makipagnegosasyon sa mga lokal na opisyal ng gobyerno para palayain ang nalalabi pang mga bihag.

Sa pinakahuling report, tinatayang 30-37 pang sibilyan ang hinostage habang dalawa pang kasapi ng MNLF ang napatay sa pakikipagbakbakan sa tropa ng gobyerno sa Zamboanga City.

Sa biglaang press briefing, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Domingo Tutaan, alas-3:30 ng hapon ng makasagupa ng security forces ang MNLF breakway group sa Brgy. Canelar.

Bukod dito ay nagkaroon din ng putukan sa pagitan ng security forces sa Brgy. Sta. Barbara kung saan nagsisipagkubli ang MNLF sa nasabing lugar kasama ang nasa 180 pang mga bihag.

Tinatangka ng MNLF na tumakas sa kordon ng militar nang maganap ang bakbakan.

Naireport din na pinaputukan din ng MNLF rebels ang isang C130 plane ng Philippine Air Force bagaman hindi naman ito tinamaan.

Sa kabilang banda, nanindigan si AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala na hindi aatras ang security forces upang mapangalagaan ang seguridad ng mamamayan ng lungsod at maging ang mga pangunahing instalasyon ng pamahalaan rito.

Una rito, pinaatras ng mga commander ng MNLF na may hawak na mga bihag sa mga apektadong lugar ang tropa ng pamahalaan at nakaposisyong mga tangke ng mga ito dahil gutom at nauuhaw na umano ang kanilang mga bihag.

Nilinaw rin ni Zagala na walang idinedeklarang ceasefire ang security forces taliwas sa mga espekulasyon.

Samantala, nananatilin g suspendido ang pasok sa mga paaralan, tanggapan ng gobyerno at maging ang mga biyahe ng eroplano sa Zamboanga City International Airport.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.