Umawat sa Away; Binata, Grabe sa Saksak

ISANG 28-ANYOS na binata ang kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan makaraan saksakin ng kanyang pinsan habang ang biktima ay umaawat sa pakikipag-away ng kanyang ama at ng suspek sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Nakaratay ngayon sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng isang tama ng saksak sa leeg ang biktimang si Franklin Felices, 28, walang asawa, ng # 81 Mansanas St, Brgy. 142, Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.

Kaagad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Ernesto Fernandez y Felices, 32, pinsang buo ng biktima, walang asawa at nanunuluyan sa bahay ng biktima.

Base sa ulat ng Caloocan City Police Station, dakong alas-2:35 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng G. Mascardo St., Barangay 142, Bagong Barrio.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, ang ama ng biktima na si Fernardo, 62, at ang suspek ay nagpapalitan ng suntok sa hindi nabatid na kadahilanan kaya pumagitna ang una sa dalawang nagsusuntukan.

Habang umaawat umano ang biktima ay sinaksak ito ng suspek na tinamaan sa leeg at pagkatapos ay mabilis na tumakas sa hindi nabatid na direksiyon dala-dala ang ginamit ng patalim.

Mabilis namang isi-nugod ang biktima ng kanyang mga kaanak sa nasabing pagamutan kung saan ito ay nasa kritikal pang kalagayan.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.