Turistang Lola, Nabagsakan ng Piraso ng Kisame sa NAIA 2

MABILIS NA nilapatan ng lunas ang isang turistang lola na patungong Hong Kong matapos mabagsakan ng metal tile sheet sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 habang bumibili ng cake at naghihintay ng kanyang flight.

Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado, sa ulo ang tama ng biktima at nagtamo ng hematoma kaya kinailangang ilipat mula sa Philippine Airlines (PAL) clinic patungo sa St. Luke’s Medical Center, Taguig City.

Sinabi naman ni Dr. Angelica Corpuz, physician on duty ng MIAA, hindi malubha ang pinsala sa ginang subalit kailangan pa nitong sumailalim sa mga pagsusuri kaya dinala ito sa regular na pagamutan.

Tumanggi naman ang mga nangangasiwa ng klinika na ilabas ang pangalan ng pasyente habang wala pang pahintulot mula sa mga kaanak nito o mula sa mismong biktima.

Sasagutin na umano ng tindahan sa paliparan ang pagpapagamot at pagpapa-rebook ng pasyente.

Wala namang ibang nasaktan sa pagbagsak ng tile sheet at agad umano itong isasaayos.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.