Tumigil na sa pagsa-Shabu Tricycle driver, itinumba

BASAG ANG BUNGO ng isang tricycle driver matapos itong pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin dahil umano sa pagtigil ng una sa pagsinghot ng ipinagbabawal na gamot na Shabu kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Dead-on-the spot sa lugar na pinangyarihan sanhi ng tinamong tama ng baril mula sa ‘di mabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan ang biktimang si Maximo San Juan Villanueza, 42, may-asawa, tricycle driver, ng # 414 Barrio Sta. Rita, Brgy. 188, Tala, Caloocan City.

Nagsasagawa naman ng follow-up operation ang mga operatiba ng Caloocan police sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip sa suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaslang dala ang ginamit na baril sa krimen.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa Phase 12, Plaza, Brgy. 188, Tala, Caloocan City.

Nabatid na bago ang insidente, tumungo ang biktima sa bahay ng isang Bong Sumawang ng nasabing lugar, at nakatanggap ng tawag sa cellphone ang biktima at lumabas ito ng bahay sa madilim na bahagi ng lugar para sagutin ang telepono.

Ilang minuto ang makalipas, lumutang ang suspek na armado ng baril saka sunud-sunod na pinaputukan ang biktima na tinamaan sa ulo at katawan na naging dahilan ng maaga nitong kamatayan, saka tumakas ang suspek sa ‘di malamang direksyon.

Ayon sa asawa ng biktima na si Lorena Dumagat Villanueva, nasa hustong gulang, malaki ang paniniwala nitong may kinalaman sa iligal na droga ang pagkakapatay sa kanyang asawa.

Sinabi pa nito, na walong taon na ang nakalipas na tinigilan ng kanyang asawa (biktima) ang paggamit ng illegal na droga o shabu matapos ma-rehab sa isang pribadong Rehabilitation Center sa Quezon City.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.