Tumangging makipagtalik
Misis, bali ang tadyang sa hambalos ni mister

NABALI ANG tadyang ng isang ginang makaraang hambalusin ng maliit na lamesa ng kanyang mister matapos umanong tumanggi ang biktima na makipagtalik sa suspek habang ito ay nasa impluwensiya ng alak sa loob ng kanilang bahay sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.

Ang suspek na detinido ngayon sa Malabon City Police detention cell, nakilalang si Michael Moreno, 30, may-asawa at residente ng # 59 Anonas St., Brgy. Potrero ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng Malabon PNP, bandang alas 2:30 ng umaga nang hambalusin ng maliit na lamesa suspek ang kanyang asawang si Jamilie, 23, ng nasabing tirahan.

Nabatid na lasing na umuwi ang suspek sa kanilang bahay at inaaya umano ang kanyang asawa na magtalik, subalit umayaw ang babae dahil sa sobrang kalasingan ng lalaki.

Dahil dito, nagwala ang suspek at pagkatapos ay kinuha nito ang nasabing lamesa at inihambalos sa katawan at ulo ng kanyang asawa dahilan upang mabali ang tadyang ng biktima.

Bukod sa pagkabali ng tadyang ay nagtamo pa rin ang biktima ng malaking sugat sa ulo at mga bukol at pasa sa katawan.

Dahil sa nagaganap na kaguluhan sa bahay ng mag-asawa ay naalerto ang mga barangay tanod sa nasabing lugar at inaresto ang nagwawalang suspek.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.