Tumangging Mag-Vulcanize, Patay sa Baseball Bat

DEAD ON arrival sa emergency room ng Bulacan Medical Center ang  isang tricycle driver na lolo makaraang hatawin ng baseball bat sa ulo ng kapwa nito driver sa isang TODA terminal sa Brgy. Sta Rita, Guiguinto,Bulacan.

Kinilala ang nasa-wing biktima na si Rogelio Andres, 67 anyos, tricycle driver; samantalang ang suspek naman na mabilis na tumakas ay nakilalang si Dennis Caluag nasa hustong gulang, barangay tanod, at umano’y fixer ng LTO-Tabang Branch, residente ng Brgy. Ligas Malolos City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas- 5:30 ng umaga nang maganap ang pamamaslang sa biktima sa nabanggit na pilahan ng tricycle, kung saan bukod sa pagkabasag ng ulo, durog din ang lahat ng daliri ng biktima, matapos hatawin ng baseball bat ng suspek.

Ayon sa anak ng biktima na si Cesar, 41 anyos, bago pa ang pangyayari ng pagpatay sa kanyang ama, una nang ginulpi ng suspek ang kanyang ama nito lamang nakalipas na linggo.

Nabatid na nag-ugat ang pananakit ng suspek nang hindi nito mapagbigyan ang kahili-ngang ma-vulcanize ang gulong ng ginagamit nitong tricycle.

Paliwanag ng anak ng biktima, hindi napagbigyan ang kahilingan ng suspek dahil sa kasalukuyang may pasahero ang matanda. Dito na nagsimula ang galit ng suspek na nagresulta sa pagpatay sa kanyang ama.

Samantala patuloy namang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang agad madakip ang suspek na barangay tanod.

(TONY DELA PEÑA)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.