Tumakas sa Naghuhuramentadong Anak 60-anyos na ina, tumalon sa bintana; 2 paa, pilay

MASUWERTENG NABUHAY ang isang matandang babae makaraang tumalon sa bintana na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay dahil sa takot sa naghuhuremantadong anak na lalaki sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Bagama’t nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang biktimang si Rosmarie Zamora, 60, ng 124 ABS Comp., Brgy. 28, ng nabanggit na lungsod, napilayan naman ito sa magkabilang paa.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang naghuramentadong anak ng biktima na si Jojo Zamora, 29, may-asawa, walang hanapbuhay at naninirahan sa nasabing lugar.

Sa ulat ng Caloocan PNP, naganap ang insidente sa loob ng bahay ng mag-ina dakong alas-2 ng madaling-araw kahapon.

Ayon sa asawa ng suspek na si Jane, 28, dalawang buwang buntis, bangag na bangag na dumating ang kanyang asawa sa kanilang bahay at agad siyang pinagtangkaang saktan, subalit kaagad naman niyang natakasan ang nagwawalang asawa.

Dahil dito, lalong nagwala ang suspek kung saan ay pinagbalingan naman nito ang matandang ina kung saan ay pinag-uuntog ng suspek ang ulo ng biktima sa pader ng kanilang bahay.

Hindi pa nasiyahan ang suspek ay kumuha pa ito ng kutsilyo sa kanilang kusina at pagkatapos ay pinag-uundayan ng saksak ang kanyang matanda ng ina subalit himalang hindi tinamaan.

Para makaiwas sa tiyak na kamatayan si Rosmarie, tumalon na lamang ito sa bintana na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay, na himalang nabuhay maliban sa pagkapilay ng dalawang paa nito.

Ilang kapit-bahay ng biktima ang nagmagandang loob na dalhin ito sa Pres. Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) para mabigyan ng paunang lunas. (ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.