TULUY-TULOY ANG SUWERTE… AI-AI DELAS ALAS, TRUE LOVE NA LANG ANG KULANG!

HINDI NAKAKATULONG KAY Claudine Barretto ang sobra niyang pananahimik sa maraming isyu na dapat niyang bigyang-linaw sa mga panahong ito. Totoo na merong mga intriga sa kanya na dapat lang niyang dedmahin. Pero meron din namang mga tsismis na dapat niyang sagutin para matuldukan.

Hindi na kasi talaga nakakabuti sa kanyang image ang mga ibinabatong tsismis sa kanya na talagang gustong sirain ang kanyang reputasyon. Unfair din para sa kanyang husband na si Raymart Santiago ang mga nangyayari.

Pasintabi sa mabait na si Mrs. Inday Barretto, mommy ni Claudine, alam nating siya ang unang nasasaktan sa mga pagdududa ng marami na meron talagang mabigat na problema sa relasyon ng mag-asawang Claudine at Raymart.

Pero papaano matitigil ang mga usap-usapan kung hindi naman nagsasalita ang kanyang anak?

Ang pinakawalan lang nilang salita dati, meron silang inaayos sa kanilang relasyon. At ‘yon naman talaga ang dapat. Pero ang tanong: Naayos na bang talaga? Patuloy kasi ang mga pagdududa.

Gasgas na sa showbiz ang pananahimik muna habang binabato ng mga intriga ang samahan ng mga mag-aasawa. Nariyan na si Jodi Sta. Maria, na nitong huli ay lumabas din ang katotohanang hiwalay na talaga kay Pampi Lacson.

Kay Claudine, marami ang kinakabahan sa relasyon nila ni Raymart. Marami ang nawiwindang. Pagkatapos iugnay ang pangalan ni Claudine sa may asawang si Martin Castro na bestfriend ni Derek Ramsay, iniuugnay din siya kay Wendell Ramos at kay Sen. Jinggoy Estrada. Ang mga ganitong isyu ay hindi maganda at nakakainsulto.

BONGGA TALAGA ANG mga nangyayari ngayon sa movie career ni Ai-Ai delas Alas. Good karma talaga siya. Sa totoo lang, si Ai-Ai ‘yung tipo ng tao na makapagbigay at makapagpasaya lang sa kanyang kapwa, halos siya na ang nawawalan.

Ang gusto lang niyang masigurado ay meron siyang naitatago para sa mahal niyang mga anak. Katuwiran kasi ng sikat na komedyana, anumang meron siya, kapag nawala ay magkakaroon pa ulit siya hangga’t malakas pa siya at kaya pa niyang magtrabaho.

Nasa cloud nine ngayon ang pakiramdam ni Ai-Ai dahil ang dami niyang trabaho at mga proyektong dapat na harapin. Kung dati-rati ay naranasan niya na parang mailap sa kanya ang suwerte, ngayon naman ay kampante siya dahil hawak na naman niya ang suwerte.

Hayan nga, siya ang kokoronahan ngayong 20l0 Box-Office Queen ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation. Ito ay para sa pelikulang Ang Tanging Ina Mo (Last Na ‘To!) ng Star Cinema na pumatok sa takilya.

Nakakatuwa ang mga nangyayari sa kome-dyana. Wish lang natin na dumating na talaga ‘yung tamang lalaking pakakasalan niya at hindi lang siya gagamitin.

ChorBA!
by Melchor Bautista

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.