Tulog na Misis, ‘Di na Nagising sa Ligaw na Bala

ISANG MISIS ang namatay makaraang tamaan ng mga ligaw na bala habang natutulog matapos na pagbabarilin ng isa sa tatlong salarin ang isang kaanak at kaibigan nito na nagkukuwentuhan sa isang kubo sa gilid ng kanilang bahay sa Quezon City kamakailan.

Nakilala ang namatay na si Luisa Bartolabac, 51, na tinamaan ng ligaw na bala sa magkabilang hita. Habang sugatan naman sina Edward Bartolabac, 24, at Mike Anthony Perez, 24, na dinala sa East Avenue Medical Center bunga ng tama ng bala sa kanilang katawan.

Lumalabas sa ulat sa pulisya, pakay ng nasabing pamamaril ang mga biktimang sina Bartolabac at Perez, subalit nadamay lamang umano sa insidente si Luisa.

Samantala, dalawa sa tatlong mga suspek ang tinukoy ng kinauukulan sa pangalang “Elias Tadeo” na ngayon ay target na ng manhunt operation ng awtoridad.

Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa isang kubo na malapit sa harap ng bahay ng mga biktima partikular sa 714  P. Laurel St., Extension, Commonwealth Heights, Brgy. Commonwealth, ganap na alas-7:30 ng gabi.

Ayon naman sa saksing si Jericho Tan, nagkukuwentuhan silang tatlo¬ nina Bartolabac at Perez nang dumating ang mga salarin, kung saan isa sa mga ito ang may dalang baril at nagpaputok sa ere.

Sinabi ni Tan na sa takot na may mangyaring masama sa kanyang buhay, agad siyang nagtatakbo palabas ng kubo at nagtago sa kanilang bahay. Ilang minuto, nakarinig na lamang umano si Tan ng mga putok ng baril sa labas ng kanilang bahay, dahilan para silipin niya ito.

Dito ay nakita na lang niya ang mga biktima na duguang nakahandusay sa lupa habang ang mga salarin naman ay mabilis na nagsitakas patungong Soliven St.

Samantala, ang biktimang si Luisa na noon ay natutulog sa loob ng kanilang bahay ay nalamang nagtamo ng tama ng ligaw na bala sa magkabilang hita at isinugod sa FEU Hospital, pero idineklara rin itong dead on arrival.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang follow-up operation ng kinauukulan sa na¬sabing insidente habang inaalam din ang posibleng motibo sa isinagawang pamamaril.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.