Tulfo, del Prado, inabswelto ng mga testigo

PINABULAANAN MISMO ng kampo ng mga testigo mula sa National Agribusiness Corporation (NABCOR) ang lumabas na report tungkol sa dalawang media personalities na kinakaladkad sa PDAF scam.

Ito ngayon ang lumalabas makaraang maghayag ng paglilinaw kaugnay sa isyu si Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower mula sa NABCOR.

Sinabi ni Baligod na wala sa affidavit nina Rhodora Mendoza at Victor Cacal na isinumite sa Tanggapan ng Ombudsman ang pangalan ng dalawang personalidad ng media dahil wala namang kinalaman sa pork barrel fund ang advertising expenses na ibinayad sa kanila.

Sa isang mensahe sa text, kinumpirma rin ni Justice Secretary Leila de Lima na wala nga ang pangalan ng dalawang brodkaster na sina Erwin Tulfo at Melo del Prado sa affidavit nina Mendoza at Cacal.

Samantala, kinasuhan ng P12-milyong libel suit sa QC Prosecutor’s Office ng broadcast journalist na si Erwin Tulfo ang tatlong  editors at isang reporter ng pahayagang Philippine Daily Inquirer (PDI) hinggil sa umano’y ma-lisyosong panulat ng nasabing pahayagan na nagdidiin sa kanya sa kontrobersiyal na pork scam.

Base sa kanyang apat na pahinang reklamo, ang mga kinasuhan sa pamamagitan ng abogadong si Atty.  Nelson Borja ay mga taga-PDI na sina Letty Jimenez-Magsanoc editor-in-chief; Artemio Engracia Jr., news editor; Jose Maria Nolasco, managing editor; at Nancy Carvajal, reporter.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.