Tsismosong Kapitan, sinuspinde

PANDI, BULACAN – ISANG barangay chairman sa bayang ito ang sinuspinde sa kanyang katungkulan dahil lamang sa pagkakalat ng mapanirang balita laban sa pamahalaang lokal ng Pandi at sa isang municipal security officer nito.

Sa bisa ng isang desisyong ipinalabas kamakailan, napatawan ng dalawang linggong suspensyon si Florentino “Tinoy” Sebastian, chairman ng Bgy. Bagong Barrio, Pandi, Bulacan na pirmado ng tatlong committee heads at pinagtibay ng presiding officer ng Sangguniang Bayan.

Nabatid na nag-ugat ang suspensyon sa kasong isinampa ni Security Officer Armando Concepcion laban kay Kapitan Tinoy na nagpakalat umano ng balitang nahulihan ng isang kilong Shabu ang isang Toyota Innova na pagmamay-ari ng munisipyo ng Pandi sa San Jose Del Monte City, kung saan nakatira si Concepcion.

Pinagtibay ang kaso ng isa pang sinumpaang salaysay na nagmula kay Siling Bata Brgy. Chairman Almario Basconcillo na nagsabing tinanong din siya umano ni Kapitan Tinoy “kung alam ko daw na nahuli ang sasakyang Innova na may red plate at pag-aari ng munisipyo ng Pandi”. Idinagdag pa ni Basconillo na sinabi rin ni Kapitan Tinoy na nahuli ang naturang Innova sa San Jose del Monte City na may kargang isang kilo ng Shabu.

Sa preliminary conference ng naturang kaso na may titulong SB Pandi Administrative Case No. 01-2011, dumepensa si Kapitan Tinoy na narinig lang niya ang istorya sa ilang tao sa Brgy. Bunsuran at kinukumpirma lang niya ito kay Basconcillo subalit hindi siya nakapagpresinta ng mga pangalan ng mga taong naringgan ng balita.

Matapos ang imbestigasyon, nanindigan ang tatlong komite ng Sangguniang Bayan – ang Committee on Laws, Internal Rules & Regulation, Committee on Barangay Affairs at Committee on Appointment, Good Government and Public Accountability – na nakagawa ng misconduct and/or an act prejudicial to the best interest of the service si Kapitan Tinoy at nahatulan ng 2 linggong suspensyon sa kanyang katungkulan.

Ibinatay rin nila ang desisyon sa Section 60 ng Local Government Code (Republic Act 7160) na kabilang sa mga batayan laban sa isang elected local official para disiplinahin, suspindihin o tanggalin sa tungkulin ay “such other grounds as may be provided in this Code and other laws.”

Pinagtibay rin ang desisyon ayon naman sa Civil Service Rules (Section 46 Book V of Executive Order No. 292) ang mga “misconduct” and “conduct prejudicial to the best interest of the service” are grounds for disciplinary action na makasaad naman sa Sec 46 (B) 4, 27. (TONY DELA PEÑA)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.