Truck ng LPG, sumabog sa gitna ng NLEX

 

ISANG TRAILER TRUCK na naglalaman ng Liquefied Petroleum Gas ang sumambulat sa mismong gitna ng kalsada ng North Luzon Expressway (NLEX) Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.

Sa report kay F/ Supt. Mel Jose P. Lagan, Valenzuela City Fire Marshal, binabaybay ni Ray Martin, empleyado ng ETC Trading Incorporation na pag-aari ni Alvin Ty, driver ng trailer truck (CCU-631), ang kahabaan ng NLEX Kilometer 14, Brgy. Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod, nang pumutok ang anim na gulong ng nasabing sasakyan.

Nagawang makontrol ni Martin ang manibela kung kaya’t hindi tumaob ang truck, at mabilis siyang nakababa sa sasakyan.

Ilang hakbang pa lang na nakalalayo sa truck si Martin, bigla itong sumambulat na ikinagulat ng ibang kasunod niyang sasakyan.

“Mabuti na lang wala nang laman ‘yung LPG tank at madaling-araw nangyari ‘yung aksidente. Kung araw, malamang mara-ming nadamay,” paliwanag ni Martin.

Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng NLEX na kaagad namang tumawag ng bumbero.

Mahigit isang oras nagsikip ang daloy ng trapiko sa NLEX bago tuluyang naalis ang truck sa gitna ng kalsada.

Nabatid na natanggal ang propeller ng truck at tumagas ang gasolina na naging dahilan nang pagsabog ng nasabing sasakyan.

Wala namang inulat na nasawi sa insidente at u-mabot sa halagang P500,000 ang danyos sa naturang pagsabog.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.