Truck, Nahulog sa Bangin Dahil sa Hamog

ANG MAKAPAL na hamog at pag-ulan ang nakikita ng mga kinauukulan na dahilan sa pagkahulog ng isang elf truck sa bangin na may lalim na 20 talampakan sa Sta. Lucia Village, Km. 3, Asin Road, Baguio City alas-6 kamakalawa ng gabi na ikinasugat ng limang katao.

Ayon sa Baguio City Police Office, kabilang sa mga sugatan ang driver ng elf truck na si Sherwin Pilayo, 18, residente ng San Carlos Heights, Irisan, Baguio City; Jazel Tubaan, 15, at residente rin sa San Carlos Heights; Randy Del Rosario, 18, ng Quezon Hill, Extension, Baguio City at dalawang iba pa na hindi pa pinangalanan ng mga kinauukulan.

Base sa pagsisiyasat ng pulisya, nawalan ng kontrol ang driver sa minamanehong elf dahil sa makapal na hamog at madulas na kalsada kaya dumausdos ito pababa sa bangin.

Samantala, agad namang dinala sa Baguio General Hospital ang mga biktima at kasalukuyan pang nagpapagaling dahil sa mga tinamo nilang sugat.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.