Truck Driver, Todas sa Naharangan sa Daan

TODAS ANG truck driver matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek makaraang mabuwisit ang huli nang maharang ng una ang kalsada dahil tumirik ang truck sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Charlie Gorope, 42 ng Gaya-gaya, San Jose Del Monte, Bulacan.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang driver ng Mitsubishi Adventure TEI-531 na tumakas at iniwan ang nasabing sasakyan.

Base sa ulat, alas-6:30 ng gabi, nagmamaniobra ang biktima sa dalang trailer truck upang makapasok sa Phase 12 Construction Supply sa ID Road, Tala ng lungsod nang pumalya ang makina.

Dahil sa pagtirik ay bumalagbag sa kalsada ang trailer truck na naging dahilan upang magkaroon ng trapik.

Nabuwisit ang kasunod na suspek na agad na bumaba ng sasakyan dala ang baril at walang salitang pinagbabaril ang biktima.

Iniwan na ng suspek ang dalang sasakyan dahil hindi na makausad sanhi ng trapik kung saan inaalam na ng mga pulis kung sino ang una.

(MARY H. SAPICO)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.