Truck driver, binoga habang pumaparada

KRITIKAL SA PAGAMUTAN ang isang truck driver matapos itong barilin ng isang ‘di pa kilalang salarin habang pinaparada ng una ang minamaneho nitong truck kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Inoobserbahan ngayon sa Manila Central University (MCU) Hospital, Caloocan sanhi ng tama ng hand gun sa kaliwang ulo ang biktimang si Eddie Monic, 45, may-asawa, ng 6th St., 5th Ave., Caloocan City.

Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ng Caloocan Police para sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip sa suspek na inilarawan lamang na nasa 30-34 edad, 5’8 ang taas, malaki ang katawan, at kulot ang buhok.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng B. Serrano St., ng nasabing lungsod habang ipinaparada ng biktima ang minamanehong truck.

Ayon sa ilang nakasaksi sa insidente, kasalukuyang ipinaparada ng biktima ang truck nang biglang sumulpot ang suspek na armado ng hand gun at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima saka tumakas.

Agad namang dinala sa naturang pagamutan ang biktima para lapatan ng lunas ang tinamo nitong sugat kung saan habang sinusulat ang ulat na ito ay nasa malubhang kalagayan si Monic.

Inaalam na ng pulisya kung ano ang tunay na motibo ng suspek sa insidente.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.