Truck at Van, nasunog: 7 patay, 8 sugatan

PITO ANG nasawi habang walo pa ang malubhang nasugatan nang masunog ang nagsalpukang truck na may kargang gasolina at ang isang passenger van sa may Purok Fortune, Barangay Poblacion, Titay sa Zamboanga Sibugay.

Kabilang sa nasawi sa insidente ay ang may-ari at nagmamaneho ng truck na si Froilan Dimasuhid at si Joel Villamor na siya namang nagmamaneho ng passenger van.

Kasama rin sa mga binawian ng buhay ang apat na taong gulang na batang babae na nakilalang si Diamay Espina, ang tiyahin nitong si Delia Espina at ang tatlong iba pang pasahero ng passenger van.

Ayon kay Insp. Mujiv Haijula, hepe ng Titay police station, sinabi nito na umiwas ang nasabing truck sa isa pang nakasalubong na sasakyan at dahil masyado umanong madilim sa lugar ay hindi nito napansin ang paparating na van na nagresulta sa aksidente.

Galing umano ang nabanggit na truck sa Misamis Occidental at papunta sana sa bayan ng Ipil para mag-deliver ng gasolina.

Ayon sa mga nakaligtas na biktima, sumabog ang kargang gasolina sa truck kaya nilamon ng apoy ang dalawang sasakyan.

Isa sa mga nakaligtas na pasahero ng passenger van ang naglakas-loob na basagin ang bintana ng sasakyan kaya masuwerte pang nakalabas ang ilan sa kanila sa nasusunog na sasakyan, ani Haijula.

Nakatalon naman mula sa nasusunog na truck ang pahinante nito na nagtamo ng malubhang mga sugat at sunog sa katawan.

Samantala, tinitingnan pa nila kung sino ang dapat managot sa naganap na aksidente, dagdag pa ng opisyal. (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.