Trigger happy si PO1 and company?

 

0923344xxxx – Mr. Action Man, ako po si Joey Y. Cirera, residente ng 442 Santol St. Sta. Mesa, Manila, dito po sa Barangay 586 Zone 57. Nais ko pong ireklamo ang ginawang pagpapaputok ng baril ng grupo ni PO1 Michael Maravillas na nakatalaga sa SAF. At ang kanyang mga kasamahan na sina Reneo Certeza na isang tanod sa aming barangay at mga talunang kagawad na si Jollan Unarse at Bong Sadji. Ito po ay nangyari kagabi. Hindi lamang po isang beses nila ginawa ang pang-aabuso sa aming lugar. Masyado na pong naghahari-harian ang mga ito. Sana po ay mabigyan ninyo ng karampatang solusyon ang aming problema.

 

0928448xxxx – Mr. Raffy Tulfo, gusto ko pong isumbong sa inyo ang ginagawang iligal ng mga taga-PNP. Mayroon pong iligal na bukis dito sa Barangay 36, Zone 4, Marulas, Caloocan City. Ito po ay matatagpuan sa Gopez Residence sa gitna mismo ng daan. Humingi na po ako ng tulong sa aming headquarters ng Caloocan City at sa hotline ng 117 ngunit hindi pa rin inaaksyunan. Umaasa po kami na matutugunan ninyo ang aming problema. Isa po akong concerned citizen.

 

0927858xxxx – Sir Raffy, ako po ay si Arlene Quijano, taga-Calamba, Laguna. Nais ko pong humingi ng tulong para sa aking problema. Nais ko pong isumbong sa inyo ang ginawa sa akin ng isang retired Major ng AFP na nagngangalang Alvin Verdera. Humiram po siya sa akin ng halagang 150k noong taong 2007 at hanggang ngayon ay hindi pa nagbabayad at nagpapakita sa akin. Tumalbog po ang tsekeng ibinigay niya sa akin at hindi rin po siya nakikipag-usap mula noong kinuha niya ang pera. Kayo na lamang po ang inaasahan ko na makakatulong sa akin.

 

0921666xxxx – Boss Raffy, ako po ay isang kasambahay sa loob ng kampo sa Taguig City. Nais ko pong ireklamo ang ginagawang pagmamalabis ng aking amo. Nagpapaalam po ako sa aking amo para umuwi sa aming probinsiya sa kadahilanang nasa ospital ang aking anak pero ayaw nila akong payagan. At sa apat na buwan kong pagtatrabaho hindi po nila ibinibigay ang aking sahod. Sana po ay matulungan ninyo ako na makaalis dito sa aking amo. Maraming maraming salamat po.

 

0915577xxxx – Kuya Raffy, ako po ay isang concerned citizen. Nais ko lamang pong patulungan ang aking kapitbahay na walang awang binugbog ng kanyang kapatid na mayroong mataas na rango sa pulisya. At nang makatakas po ito sa kanyang pambubugbog ito po ay kanyang hinahanap sa bawat bahay dito sa aming lugar at mayroong dalang baril. Marami na po ang natatakot dito sa aming lugar sa ginagawang pagwawala ng pulis na ito. Sana po ay maaksyunan ninyo at maipahatid sa kanyang pinuno ang ginagawang kalokohan nitong pulis.

 

Ang inyong mga sumbong ay masosolusyunan at mapapakinggan sa programang WANTED SA RADYO 2:00-4:00 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes sa 92.3 News fm. At mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.

Ang T3 ay mapapanood Lunes hanggang Biyernes sa oras na 5:15-6:00pm sa TV5. Samantalang ang WANTED naman ay mapapanood sa bago na nitong oras pagkatapos ng Pilipinas News Live, tuwing Lunes, sa TV5.

 

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.