Tricycle Driver, Kulong sa Pagpatay sa Aso

KULUNGAN ANG binagsakan ng isang tricycle driver makaraang ireklamo ito ng paglabag sa Animal Welfare Act ng isang babae matapos na pagsasaksakin at mapatay ng suspek ang aso ng huli sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Kinilala ng Caloocan PNP ang suspek na si Mono Batol, 42, binata, at residente ng G. Santos Danganan St., Gagalangin, Tondo, Manila.

Samantala, ang nagreklamo laban sa suspek ay nakilalang si Marites Alvarez, 41, jeepney operator, at naninirahan sa Block 37-F, Phase 3-C, Lot 10, Kaunlaran Village, Dagat-Dagatan, Caloocan City.

Base sa ulat ng pulisya, bandang alas-9:00 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa harapan ng bahay ni Alvarez sa nasabing lugar.

Base sa reklamo ni Alvarez sa pulisya, dumating ang suspek sa kanilang bahay na lasing sa alak at tinatawag ang kanyang pangalan subalit hindi niya pinansin dahilan upang mairita ang una.

Dahil dito ay pinagsasaksak ni Batol sa iba’t ibang parte ang aso na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng alagang aso ng biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Kaagad namang tumawag ng tulong ang biktima sa kanilang barangay na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Si Batol ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Animal Werlfare Act of 1998.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.