Trial Proper sa Kasong Poll Sabotage ni CGMA, Nagsimula Na

UMARANGKADA NA ang trial proper sa kasong electoral sabotage laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. at dating Maguindanao provincial elections supervisor Lintang Bedol sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112.

Kasabay ng unang araw ng nasabing trial proper, sumugod sa harap ng Hall of Justice ng Pasay ang nasa 50 miyembro ng grupong Sanlakas na suportado ang pagdinig sa kaso.

Panawagan nila sa korte, ipataw ang nararapat na parusa kay Ginang Arroyo sa lalong madaling panahon para makamit anila ng taumbayan ang hustisya.

Unang iniharap ng Commission on Elections (Comelec) ang isang surprise witness na si Susan Yu Cabanban, isang election officer sa Maguindanao noong 2007 midterm elections.

Sinabi ng komisyon na iniharap si Cabanban para patunayan ang tampering sa election returns at certificates of canvass sa S. K. Pendatun, Maguindanao pabor sa Team Unity ng dating pangulo.

Ayon kay Atty. Benjamin Santos, abogado ng dating pangulo, wala sa testimonya na nagkaroon ng pagmamanipula dahil mismong si Cabanban ang nagsabing tanging local election returns ang naisumite sa kanya at idiniretso sa kapitolyo ang election returns ng senatorial candidates.

Gayunman, ipagpapatuloy pa ang pagsalang ng unang testigo sa witness stand sa Pebrero 7.

Samantala, sa tatlong akusado, si Bedol lang ang dumalo sa korte matapos mapagkasunduang hindi na pasiputin sina Arroyo at Ampatuan dahil sa isyu ng seguridad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.