Transport Group, Walang Dagdag-Pasahe

WALANG BALAK humirit ng dagdag na singil sa pasahe sa jeep ang transport group na Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper and Operator Nationwide (PISTON) sa kabila ng panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay PISTON Secretary General George San Mateo, bagamat nahihirapan na ang mga tsuper sa pagtaas ng presyo ng krudo, ayaw naman nilang dumagdag pa sa pasakit sa taumbayan lalo’t tataas din ang singil sa tubig at kuryente.

Mas gusto aniya nilang ibaba na lang ang presyo ng krudo kaysa humirit ng dagdag-singil sa pasahe.

Naniniwala naman si San Mateo na kaya ng pamahalaan na pababain ang presyo ng krudo kung gugustuhin nito.

Sinabi nito ang pababang presyo noong panahon ng eleksyon pero agad-agad tumaas matapos ang eleksyon.

Samantala, ayon kay San Mateo, may nakatakda silang picket rally sa tanggapan ng oil companies para lang ipakita sa kanila ang pagkondena sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.