Trak, Nahulog sa Bangin; 2 Sugatan

SUGATAN ANG dalawang sakay ng isang trak na may hilang trailer at puno ng mga bote ng softdrinks matapos mahulog sa 20-metrong lalim na bangin sa Sitio Pamuhatan, Barangay Marilog, Davao City pasado alas-2:00 kahapon ng madaling-araw.

Nailigtas ng mga kasapi ng 911 Urban Search and Rescue Unit ang drayber ng Prime Mover Truck na si Adonis Tambuli, 30-anyos na nagtamo ng mga sugat sa mukha, ulo at katawan; at helper nito na si Mike Cadayona.

Sinabi ng  drayber na nag-ingat naman siya sa pagmamaneho pero hindi pa rin naiwasan ang aksidente.

Ayon sa salaysay  ni Tambuli, “Sa itaas pa naka-high gear kasi ako tapos nung pababa na, nagpreno ako pero di na makaya kaya inihandos ko ang low gear ayaw nang pumasok kaya dumiretso na kami sa bangin.”

Bahagyang nahirapan ang mga rescuer sa pagligtas sa mga biktima dahil sa tirik at lalim ng bangin. Agad namang dinala sa Southern Philippines Medical Center ang mga ito nang ma-rescue.

Lumalabas sa pagsisiyasat, nanggaling sa Cagayan de Oro ang trak alas-5:00 ng hapon at papunta sana ng Ulas, Davao City upang i-deliver ang karga nito, ngunit pagdating sa naturang lugar ay nadisgrasya ang trak na dumiretso sa bangin.

Sinabi ni PO3 Necson Paraguelles ng Marilog Police na isa ang naturang lugar sa pinakadelikadong highway sa Marilog.

Samantala, batay sa kanilang rekord mula taong 2012, aabot sa 10 sasakyan ang nadisgrasya at nahulog sa bangin kaya natanggal na ang karamihan sa railings sa gilid ng highway.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.