Traffic Enforcers, Hinabol ng Samurai ng Taxi Driver

DALAWANG KATAO na kinabibilangan ng isang pulis ang malubhang nasugatan makaraang bundulin ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang nagwawalang taxi driver matapos na sitahin ng isa sa dalawang traffic enforcer dahil sa paglabag sa batas-trapiko sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Kinilala ng Caloocan City Police Station ang mga biktima na sina PO1 Eugenber Paran, miyembro ng Caloocan PNP at isang Daniel John Allejeros, ng Camarin ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nakakulong sa detention cell ng nasabing himpilan ng pulisya ang suspek na nakilalang si Nicanor Castante, 59 anyos, may asawa, taxi driver, at kasalukuyang naninirahan sa San Antonio St., Area A, Barangay 175, Camarin ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Almar Road Extention, Camarin, Caloocan City.

Nabatid,bago umano maganap ang insidente,kasalukyang gumaganap ng tungkulin sina traffic enforcer Gerardo Serrano, 47 anyos, may asawa ng Bagong Silang at Antonio Hernandez, 50 anyos, binata ng Camarin sa nasabing lugar.

Pinahinto ni Serrano ang minamanehong taxi ni Castante na toyota Corolla na may plakang TXZ 221 dahil sa paglabag sa batas trapiko (beating the red light).

Hiningi ni Serrano kay Castante ang lisensiya nito ngunit tumanggi ang ang naturang taxi driver na ibigay ang kanyang lisensiya kung kaya’t tinawag ni Serrano ang kanyang kasamahan na si Hernandez ngunit hindi pa man nakalalapit ito ay bumaba na ng kanyang taxi si Castante hawak-hawak ang isang 24 pulgadang samurai at inamba kay Serrano.

Nang makita ni Serrano ang pagtaas ng kamay ni Castante hawak ang samurai ay agad siyang tumakbo sa kinaroroonan ni Hernandez kung saan ay hindi sila tinantanan ng habol ni Castante.

Kaagad namang nakahingi ng police assistance ang dalawang traffic enforcer at ng makita ng nasabing driver ang pagdating ng pulis ay mabilis na nagbalik sa kanyang sasakyan at pinaharurot ito.

Dahil walang sasakyan ang nasabing pulis ay pinara nito ang sinasakyang motorsiklo ni Ballejeros para umangkas at mabilis na hinabol ang tumatakas na taxi driver.

Habang naghahabulan ay nakapagmaniobra ang taxi at binundol ang paparating na motorsiklo na sinasakyan ng dalawang biktima dahilan upang tumilapon ang mga ito at bumalandra sa kalsada.

Sakto namang naroroon sina PO1 Naser Ferreras at PO1 Celso Abanio na sakay ng kanilang service vehicle at hinabol ang suspek na nauwi sa pagkakaaresto nito. Agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang driver ng motorsiklo at si PO1 Paran dahil sa tinamong malalang pinsala sa kanilang katawan sa pagkakatilapon sa kanilang sinasakyang motorsiklo.

Ang suspek ay nakakulong ngayon sa detention cell ng Caloocan City Police Station at nahaharap sa patung-patong na kaso.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.