Traffic Enforcer, Kritikal sa Barker

PATAWIRIN ANG buhay ng isang traffic enforcer makaraang saksakin ng isang hindi nakikilalang barker matapos ang isang mainitang pagtatalo sa isang terminal sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Pablo Gamaro, 58, traffic enforcer ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management (RDPSTM) North Sector ng Caloocan City at residente ng Carmelite Village, Tala ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyang pinaghahanap ng mga elemento ng Caloocan PNP ang hindi nakikilalang barker na isang alyas “Lakay” na mabilis na tumakas matapos na saksakin at malubhang masugatan ang biktima.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan Police, bandang alas-7:30 ng kamakalawa ng gabi nang maganap ang nabanggit na insidente sa isang terminal sa Sabarte Road.

Ayon kay PO2 Ryan Rodrigo ng Sub-Station 5 ng nasabing himpilan ng pulisya at may hawak ng kaso, bago umano maganap ang pananaksak, ang suspek at ang traffic enforcer ay nakitang mainitang nagtatalo hinggil umano sa “tong collection” sa nasabing terminal ng pampasaherong dyip.

Ayon sa ilang jeepney driver na tumangging magpakilala, hinihingi umano ng biktima ang nakulektang tong ng suspek sa mga pampasaherong dyip subalit walang maibigay na pera ito na dahilan ng kanilang pagtatalo.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo, biglang bumunot ng patalim ang suspek at saka inundayan ng isang saksak sa dibdib ang traffic enforcer at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Ang biktima ay mabilis na dinala sa East Avenue Medical Center kung saan ito ay patuloy na inoobserbahan ng mga doktor.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.