Trader sa Zambo Sur, dinukot; P.5-M ransom, hirit

DINUKOT NG mga pinani-niwalaang kasapi ng Kidnap for Ransom Group (KFRG) ang isang negosyante sa bayan ng Aurora sa Zamboanga del Sur.

Base sa report na ipinalabas ng Police Regional Office (PRO-9), kinilala ang dinukot na trader na si Lee Tan, 37-anyos at residente ng Pagadian City.

Sinabi ni PRO-9 spokeman C/Insp. Ariel Huesca na bandang alas-4:00 kamakailan ng hapon nang naiulat sa Pagadian City Police Station ng misis ng biktima na si Melfe Tan ang nasabing insidente matapos niyang madiskubre ang pagdukot sa kanyang mister.

Ayon kay Huesca, ang mag-asawang negosyante ay nagmamay-ari ng isang malaking tindahan sa may Agora Complex, Pagadian City.

Ayon sa asawa ng dinukot na negosyante, bandang tanghali nang umalis ng kanilang bahay ang kanyang mister at nagpaalam ito na pupunta sa bayan ng Aurora para magbayad ng utang sa isang tao.

Bago pa man ang insidente ng pagdukot ay nakausap pa nito ang mister pero makalipas ang ilang oras ay hidi na niya makontak ang cellphone nito, dagdag pa ng ginang.

Bandang alas-3:30 ng hapon nang tumawag sa kanya ang isa sa sinasabing salarin gamit ang cellphone mismo ng kanyang asawa at kinumpirma nito na nasa kustodiya nila ang negosyante at humihingi ng kalahating milyong piso bilang ransom money kapalit ng kalayaan ng mister.

Kamakailan ay narekober naman ng mga awtoridad ang sasakyan ng biktima na iniwan sa may Barangay Eastern Bobongan sa bayan ng Ramon Magsaysay ng nasabing lalawigan.

Samantala, nakaalerto na ang mga awtoridad sa buong lalawigan para sa paglulunsad ng rescue operation para sa dinukot na negosyante.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.