Tourist Police?!

NOONG BIYERNES, DECEMBER 17, nakapanayam ng inyong SHOOTING RANGE si Department of Tourism Secretary Alberto Lim sa programang ISYU sa 92.3 NewsFM ng Radyo Singko. Ibinunyag ni Lim ang plano niyang pagbuo ng isang special group mula sa hanay ng PNP na babansagang Tourist Police.

Marahil ang planong ito ay nabuo matapos siyang dumalo sa Hong Kong at makipagpulong sa Chief Executive Officer nito na si Donald Tsang noong nakaraang linggo.

Dapat huwag magpadalus-dalos na naman si Lim. Baka tulad sa nangyaring ora-oradang pagpalit ng DoT sa ating tourism slogan na “WOW Philippines” sa “Pilipinas Kay Ganda” na pinutakti ng batikos, uulanin na naman ito ng mga batikos.

Hindi na siguro kailangan pang ipaliwanag kung ano ang magiging tungkulin ng mga Tourist Police. Ngunit bilang dagdag kaalaman para sa lahat, ang Tourist Police na bubuuin ng DoT ay magkakaroon ng sariling uniporme at ito ay direktang magre-report sa DoT bagama’t ang kanilang mother unit ay ang PNP Camp Crame.

Kung ang layunin sa pagbuo ng Tourist Police ay para maging kampante ang mga gobyerno ng iba’t ibang bansa at aalisin na nila ang travel advisory para sa Pilipinas dahil may magbibigay ng proteksyon sa kanilang mga kababayan, tayo ay nagbibigay ng masamang senyales.

Ipinapakita natin na inutil pala ang mga kasaluku-yang miyembro ng ating PNP sa pagbibigay ng nararapat na assistance sa mga turista at kailangan pang magbuo ng isang special Tourist Police group.

Isang maaaring maging problemang nakikita ko rito kapag hindi pinag-aralang maigi ay ang ilan sa mga miyembro ng Tourist Police na mapapabalitang nagiging mga bantay-salakay.

Ngunit ang pinakamatindi ay ang posibleng mangyayaring pakikipagsabwatan ng ilang mga tiwaling Tourist Police sa mga banyagang drug lord at iba pang mga sindikato na magpapanggap na mga turista.

Isa pa ring kuwestiyon dito ay kung may karanasan ba ang DoT na mamuno ng isang police force. Paano nila mapapatakbo nang maayos ang kanilang Tourist Police kung hindi nila alam ang mga kultura na umiiral ngayon sa ating kapulisan.

Kaya ba nilang baguhin ang mga kulturang ito at magpairal ng disiplina sa mga pulis na sanay sa pangraraket at pang-aabuso?

Hindi ako tutol na bigyan ng special protection ang mga banyaga na bumibisita sa ating bansa dahil ang protektado at kampanteng turista ay isang masayang turista na bubuhos ng pera at ipangangalandakan pa sa kanilang bayan kung gaano ka-safe ang dumayo sa ating bansa.

Ang tutol lang ako ay ang paora-oradang desisyon na pagbuo ng isang special police force para lamang amu-amuin ang gobyerno ng Hong Kong upang makalimutan na nito ang nangyaring hostage crisis sa Quirino Grandstand. Dahil baka sa halip na lumalamig na ang isyu tungkol dito at tila nababaon na sa limot, baka biglang uminit na naman ito at mapaso tayo dahil wala na ngang maho-hostage na mga taga-Hong Kong pero mapapabalita na sila naman ay nagiging mga biktima ng pangraraket ng ilang mga tiwaling miyembro ng Tourist Police.

Kung talagang kailangan bumuo ng ganitong grupo, dapat gawing matindi ang screening para sa magiging mga miyembro, at sa mga nakapasa – bigyan sila ng maayos na suweldo at allowance para hindi matukso na gawin nilang gatasan ang mga turista.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.