Tindero, Niratrat, Patay

WALONG TAMA ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ng isang 54-anyos na negosyante, makaraang pagbabarilin ng isang hindi nakikilalang suspek habang inilalabas ng biktima ang kanyang mga paninda sa kanyang bahay sa Malabon City kahapon ng umaga.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si Ramon Almadin, may-asawa, negosyante, miyembro ng Guardian at residente ng Sampaguita St., Phase 4, Flovie Homes, Letre, ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng Malabon PNP, dakong alas-5:30 ng umaga nang pagbabarilin ng isang hindi nakikilalang suspek ang biktima sa harap ng kanyang babay sa nasabing lugar.

Ayon sa anak ng biktima na si Mary Grace, 21, kasalukuyang inilalabas ng kanyang ama ang mga paninda nitong dyaryo at saging sa kanilang bahay para ilako sa kanilang lugar.

“May biglang lumapit po sa aking ama na lalaki at agad na pinagbabaril siya na timamaan sa ulo at katawan,” wika pa ni Mary Grace.

Kaagad na namatay ang biktima sa lugar ng pinangyarihan ng insidente habang ang hindi nakikilalang suspek ay mabilis na tumakas dala-dala ang ginamit na baril sa krimen.

Ayon sa pulisya, natatakot at ayaw magsalita ng mga kapit-bahay ng biktima dahil umano araw-araw ay may pinapasalang, kung saan ay wala namang nahuhuling suspek.

May hinala ang mga residente na ang may kagagawan ng mga pagpatay sa kanilang lugar ay mga miyembro ng “7 Bulabog” na kalabang grupo umano ng biktima.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.