Tindero ng Prutas, Ginulay

MISTULANG LANTANG gulay ang isang fruit vendor matapos itong pagtulungan bugbugin ng tatlong kalalakihan at pagsasaksakin pa nang harangin ito habang naglalakad kasama ang isang kaibigan kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Ruben Magbutong, 21, ng Bagong Silang ng nasabing lungsod sanhi ng mga tama ng saksak at pasa sa iba’t ibang bahagi katawan.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 1, Bagong Silang, ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyang naglalakad ang biktima sa natu-rang lugar kasama ang kaibigan nitong si Lezeto dela Cruz nang bigla na lamang harangin ng tatlong suspek.

Agad na pinagtulungang bugbugin ng mga ito ang biktima at nang hindi pa makuntento ay pinagsasaksak pa si Magbutong habang nakatakbo naman ang kaibigan nito.

Matapos ito, agad na nagsitakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksiyon habang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan ang biktima kung saan ito patuloy na inoobserbahan.  (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.