Tindero ng Lagari, Niyari

DALAWANG PUNGLO ng baril ang tumapos sa buhay ng isang lalaki makaraang barilin ng dalawang beses sa ulo ng isang hindi nakikilalang suspek habang ang biktima ay naglalako ng lagari sa Malabon City kahapon kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na agarang namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ay nakilalang si Artemio Garcia, 39, ng Joson Compound, Letre ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ng Malabon Police Station, dakong alas-5:50 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa Phase 6, Flovy Homes, Brgy. Tonsuya.

Nabatid na naglalako ang biktima ng lagari kasama ang isang anak nito sa nasabing lugar nang bigla na lamang lapitan ito ng isang hindi nakikilalang lalaki na armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril.

Sa puntong ito, dalawang ulit na binaril sa ulo ang biktima ng hindi nakikilalang salarin na agarang ikinamatay nito at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi nabatid na direksyon dala-dala ang ginamit na baril.

May hinala ang nasabing himpilan ng pulisya na ang nasabing pamamaril ay may kaugnayan sa awayan ng magkalabang Siete Bulabog Gang at Avatar group.

Sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ang Malabon PNP ng imbestigasyon upang matukoy kung sino ang may kagagawan sa pagkamatay ng biktima at ang tunay na motibo sa likod ng pamamaslang.

(ROMAN MAGPOC)   

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.