Tindero, Grabe sa Ratrat

ISANG VENDOR ang kritikal pagbabarilin ng isa sa apat na hindi nakikilalang lalaki na mga nakasakay sa magkahiwalay na motorsiklo sa Bagong Silang Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na patuloy na inoobserbahan sa East Avenue Medical Center sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang parte ng katawan ay si Heherson Enaje, 23, alyas “Dagul” at residente ng Block 3, Lot 24, Package 9, Brgy.176 ng nabanggit na lungsod.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO4 Diocorro Domingo, may hawak ng kaso, bandang alas-7:25 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa kahabaan ng pathwalk na matatagpuan sa Phase 9, Package 6, Bgry. 176.

Ayon kay SPO4 Domingo, nag-uusap habang naglalakad ang magkaibi-gang Enaje at Marlon Luna, 27, sa nasabing lugar nang biglang magdatingan ang apat na hindi nakikilalang kalalakihan na pawang nakasuot ng helmet at ski mask na pawang nakasakay sa magkahiwalay na motorsiklo.

Mabilis na nagsibaba ang dalawang naka-backride na suspek at pagkatapos ay pinaulanan ng bala ng baril ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa kabila ng mga tinamong tama ng bala ng baril, nagawa pa ni Enaje na makatakbo habang ang mga suspek naman ay mabilis na tumakas sa hindi nabatid na direksiyon.

Ang biktima ay kaagad namang dinala ng kanyang mga kaanak sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital at makalipas ang mga ilang minuto ay agad na inilipat sa East Avenue Medical Center sanhi umano ng kakulangan ng gamitan.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang Caloocan PNP ng follow-up operation para sa posibleng pagkakaaresto ang mga suspek ay malaman ang tunay na motibo sa likod ng tangkang paglikida sa biktima.

(ROMAN MAGPOC) 

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.