Tinangay ang koleksiyon Kolektor ng Motor, Patay sa Riding-In-Tandem

ISANG 23-ANYOS na collector ng isang motorcycle branch ang pinagbabaril ng riding-in-tandem at pagkatapos ay kinuha ang malaking halaga ng pera na dala-dala ng biktima sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Ang biktima na namatay sa lugar ng pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa katawan ay nakilalang si Carlos San Jose, 23, collector ng Rusi Motorcylce branch sa San Jose Del Monte, Bulacan at nakatira sa Muzon, San Jose Del Monte.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga elemento ng Caloocan PNP laban sa mga hindi nakikilalang suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.

Base sa ulat ng nasabing himpilan ng pulisya, bandang ala-1 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng Phase 9, Package 4, Brgy. 176, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na kasalukuyang binabagtas ng biktima ang nasabing lugar nang biglang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo na walang plate number.

Kaagad pinaputukan ng baril ng isa sa mga suspek ang biktima na nagresulta sa pagkamatay nito.

Nang patay na bumulagta ang biktima sa kalsada, isa sa mga suspek ang mabilis na kinuha ang dalang bag ng una na naglalaman ng halagang P15,000.

Matapos ang nasabing insidente, mabilis na nagsitakas ang mga suspek sakay ng get-away nilang motorsiklo sa hindi nabatid na direksyon.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.